UMAKYAT na sa 60 pasahero ang naililigtas sa lumubog na Ro-Ro vessel habang dalawa naman ang nasawi sa karagatang bahagi ng Burias Island sa Masbate.
Ayon sa panayam sa radyo kay Deputy Provincial Dir. Jeffrey Fernandez ng Masbate PPO, naibaba na ng rescue team ang naturang mga survivors sa bayan na pinakamalapit sa Punta Agua Burias kung saan lumubog ang barkong M/V Our Lady of Carmel na pag-aari ng Medallion Shipping Line at dinala sa Aroroy Health Center sa Masbate upang mabigyan ng lunas.
Habang kinilala ang mga namatay na sina Carlota Sena at Erlinda Julbitado, kapwa 59.
Ayon kay Office of Civil Defense Bicol Reg. Dir. Raffy Alejandro na mula sa Pilar Port, dumaan muna ang nasabing barko sa Pio Duran Port para daanan ang mga pasahero na sakay naman ng Isarog bus patungong Masbate.
Sinasabing 30 minuto na lamang ang layo ng barko mula sa Masbate port nang ito ay magkaaberya.
Samantala, ayon kay ship captain Lauro Mateo, umaabot sa 22 ang crew members ng barko habang nasa 40 naman ang mga pasahero.
Kinumpirma rin ng kapitan na tumagilid muna ang barko bago tuluyang lumubog.
Nilinaw din nito na wala namang problema sa makina dahil kagagaling lamang ng Ro-Ro vessel sa maintenance checkup.
Itinanggi na rin ng Medallion Shipping Lines na “mechanical trouble” ang dahilan ng paglubog ng kanilang barko.
Inihayag ng kompaniya na umalis ang kanilang Ro-Ro vessel sa pantalan na sumailalim pa inspection ng PCG.
Kasalukuyan pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing paglubog.
Kinilala ang mga nakaligtas na sina Captain Mateo Gregorio, KV Menendez, Meilven Plasa, Jode Cosido, John Vico, Charlie Baldos, Jomar Mobale, Brian Pero, Jolandi Reymond, Mulbert Codillo, Nobelito Gomez, Recto Topel, Noel Agbayani, Al Tamayo, Danilo Agbayani, Gilbert Bongon, Benjamin Binesal, Domingo Tayoto.
The post Update: 2 na patay, 60 nailigtas sa lumubog na Ro-Ro vessel appeared first on Remate.