PINASALAMATAN ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr si Pangulong Noynoy Aquino dahil sa pag-endorso sa kanya para muling maluklok sa kanyang pwesto pagpasok ng 16th Congress.
Ayon kay Belmonte, ikinagulat na lamang nito ang pag- endorso ng pangulo dahil wala namang binabanggit ang pangulo habang sila ay magkatabi sa luncheon meeting sa Malacañang kanina.
Naunang pinuri ng pangulo sa nasabing pananghalian ang liderato ni Belmonte sa harap ng mahigit sa 90 kongresista at sa iba pang miyembro ng Liberal Party (LP).
Pagkatapos nito ay bigla na lamang ipinahayag ni PNoy na nais niyang manatiling House Speaker si Belmonte sa 16th Congress.
Kasabay nito ay natiyak na mas malaki ang tsansa na maluklok sa magandang komite ang coalition party ng administrasyon sa pagbubukas ng sesyon.
Inaasahan na mabibigyan ng Committee chairmanship ang mga kasapi ng majority coalition tulad ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), National Unity party (NUP) at Nacionalista party.
Mababakante ang lahat ng anim na puwesto ng Deputy speakers dahil ang mga kasalukuyang nakaupo ay tapos na ang termino samantalang ang iba ay natalo sa katatapos na eleksyon.
The post Belmonte kay PNoy: ‘Salamat’ appeared first on Remate.