IPINASISIYASAT ni Davao Rep. Karl Alexie Nograles sa Kamara ang kapalpakan ng mga crew ng Cebu Pacific nang mag-overshoot sa Davao International Airport ang isa sa mga eroplano nito.
Ayon sa mambabatas, ikinuwento ng mga pasahero na nang sumadsad ang eroplano ay hindi kaaagad nagbukas ang emergency exit doors nito at mismong ang mga crew pa ang nag-panic maging ang piloto nito sa halip na tulungan pakalmahin ang mga pasahero.
Makalipas ang 10-minuto na nag-overshoot ang eroplano ay saka pa lamang nakapagsalita ang piloto at saka pa lamang nabuksan ang emergency exit door.
Dahil sa malakas ang ulan at kailangang mag -slide ang mga pasahero pababa ay naiwan ang kanilang mga kargo subalit hindi alam kung saan kukunin ang mga bagahe matapos ang insidente.
Inangalan din ng mga pasahero ang napakabagal na paglilipat sa kanila mula sa eroplano patungo sa airport lalo pa gayung napakalakas ng buhos ng ulan noong linggo ng gabi.
Nasa loob pa lamang ng eroplano ay naghinala na rin aniya ang mga pasahero na hindi sa runaway nakababa ang eroplano dahil sa biglang pagpreno ng piloto na isang indikasyon na mali ito ng kalkulasyon sa pag-landing.
Giit ni Nograles dapat imbestigahan ang insidente dahil lumalabas umano na kulang sa training ang mga staff at crew ng Cebu Pacific sa paghawak ng mga emergency situations kasabay na rin ng malalim na pagsusuri sa standards at qualifications ng airline crews.
Paiimbestigahan din ng mambabatas ang promotional campaigns ng Cebu Pacific na madalas nagreresulta sa overbooking kaya nasosobrahan din sa trabaho ang kanilang mga piltoo at flight crews.