MULING ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na bawal ang paghuli, pagbebenta at pagkain ng mga shellfish na mahuhuli sa Matarinao Bay sa Eastern Samar matapos matuklasan na positibo na rin ang naturang bay sa red tide toxin.
Bukod dito, iniulat din ng DOH na hindi pa rin pinapayagan ang paghuli, pagbebenta at pagkain ng mga shellfish sa Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental dahil nananatili itong positibo sa paralytic shellfish poison na lampas sa regulatory limit.
Batay sa Shellfish Bulletin No. 12 Series of 2013 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ipinadala ni Director Atty. Asis Perez sa DOH, bukod sa shellfish ay hindi pa rin ligtas kainin ang acetes sp. o alamang na makukuha sa naturang lugar na kontaminado ng red tide.
Nilinaw naman nito na maaaring kainin ang mga isda, pusit, hipon at alimango ngunit kailangang tiyakin na sariwa ang mga ito, nahugasang mabuti, natanggalan ng mga bituka at hasang bago lutuin.