MAY 180 konkretong bahay na ang naitatala sa Brgy. Kimadzil at Kibudtongan ang nagkaroon ng bitak makaraan ang magnitude 5.7 na lindol na tumama sa Carmen, Cotabato, Sabado ng gabi.
Kinumpirma ni Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction Management officer Cynthia Ortega na maraming bahay ang nagkabitak-bitak kabilang na rin sa nagtamo ng sira ang Mutian Bridge sa Kimadzil.
Nabatid din kay Ortega na muntik na silang matabunan ng gumuhong lupa sa isang bahagi ng bundok sa Sayre Highway habang nagsasagawa ng ocular inspection.
Sa kasalukuyan ay marami nang residente ang nasa labas ng kanilang mga bahay dahil sa maya’t mayang pagyanig na nakadadagdag naman ng bitak sa kanilang tahanan.