NAUWI sa trahedya ang masayang pamamasyal ng isang mag-ina nang makoryente habang nasa loob ng food court ng SM Mall of aAsia kagabi sa Pasay City.
Agad na isinugod sa San Juan De Dios Hospital ang mga biktimang sina Rachael Rafols at ang siyam na taong gulang niyang anak na si Ma. Daphne Joanne, kapwa ng 703 City State Condominium, Pasig City sanhi ng sugat dahil sa pagkakakuryente.
Batay sa isinumiteng ulat kay Pasay City police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca, alas-8:50 ng gabi ay nagpasyang kumain sa food court ng SM MOA ang mag-ina kung saan sandaling tumayo ang anak nito upang manood sa mga batang nakasakay sa carousel.
Nang humawak sa bakal na railing ang bata, bigla itong nangisay at bumagsak sa baldosa kaya’t kaagad siyang sinaklolohan ng kanyang ina. Gayunman, nang hawakan ng ginang ang anak, pati siya ay nakuryente.
Kaagad namang sumaklolo ang mga security guard ng mall at maging ng rescue team na nagsugod sa mag-ina sa nabatid na ospital.
Ang mag-ina ay kapwa nakaranas ng matinding trauma at ilang paso dulot ng pagkakakuryente at kasalukuyan pang ino-obserbahan sa naturang pagamutan.
Inaalam pa ng pulisya ang posibleng pananagutan ng pamunuan ng MOA o ng operator ng carousel kaugnay sa nangyaring insidente.