INIIMBESTIGAHAN na ng pulisya ang motibo sa pamamaslang sa isang barangay chairman nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang inaayos ang kanyang mga paninda kahapon sa Pasay City.
Dead on arrival sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Ronnie Laylo, kabesa ng Barangay 153 Zone 16 at residente ng 366 Edang St., sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-11:30 ng tanghali habang nag-aayos ng paninda ang biktima nang may pumaradang motorsiklo sa harap ng tindahan, sakay ang dalawang lalaki na kapwa nakasuot ng helmet.
Bumaba umano ang nakaangkas na lalaki at kaagad na nagtuloy sa tindahan ng kabesa bago bumunot ng baril at walang sabi sabing pinagbabaril ang biktima.
Nang matiyak na napuruhan na ang biktima, sumakay sa naghihintay na kasamahan ang salarin at mabilis na tumakas patungo sa gawi ng EDSA.
Inaalam pa ng pulisya kung may kaugnayan sa pulitika ang naturang pamamaslang lalo na at posibleng matuloy ang barangay election sa Oktubre.