TAIPEI – Mula sa M14 rifle ang bala na nakatama at nakapatay sa Taiwanese fisherman sa nangyaring shooting incident sa Balintang Channel.
Ito ang kinumpirma ng isang Taiwanese prosecutor na may hawak sa kaso na natukoy na ng kanilang mga imbestigador ang nabanggit na baril na ginamit ng mga tauhan ng Philippine Coast Guards.
Una rito, nanindigan din ang Philippine Coast Guard (PCG) na nakahanda itong tanggapin anuman ang magiging resulta nang isinagawang imbestigasyon kaugnay pangyayari.
Sa isang pahayag, sinabi ni PCG Spokesman Armand Balilo, na tiwala silang naging patas ang isinagawang “parallel investigation” ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Taiwanese authorities.
“We have a high regard for the NBI and whatever the outcome may be, we would accept it. We will respond accordingly,” ayon sa opisyal.
Maalala na natapos lamang noong nakaraang linggo ang trabaho ng mga imbestigador kung saan nagtungo pa ng Taipei ang 8-man team ng NBI.
Una na ring tiniyak ni Balilo na mananatili sa kostudiya ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 17 nilang tauhan na sangkot sa May 9 shooting incident.
Bagama’t pinanghahawakan nila ang testimonya ng mga tauhan na hindi intensyonal ang pagkakapatay sa kapitan ng Taiwanese vessel, handa naman nilang sundin ang itinatadhana ng batas.