HINDI kuntento si National Press Club President Benny Antiporda sa aksyon ng ABS-CBN sa ginawang pambabastos ni stand-up comedian Vice Ganda kay GMA 7 Vice President for News Jessica Sojo.
Sinabi ni Antiporda na hindi sapat ang palabas sa ilong na pagpa-public apology ni Vice Ganda dahil hindi naman ito nagbago ng ugali.
“Walang suspension o reprimand man lang kay Vice Ganda. May balita pa nga kaming nakunan ng camera na tuwang-tuwa pa at pumapalakpak si ABS-CBN President Charo Santos Concio habang pinaglalaruan ni Vice si Soho gamit ang ‘gang-rape’ issue na sa palagay niya ay nakatatawa,” aniya.
Ani Antiporda, ang rape ay isang heinous crime at hindi dapat na ginagawang biro.
“Baka akalain ng mga nakapanood, nakatatawa ang maging biktima ng rape,” dagdag pa niya. “Pati mga bata, malalason ang isip. Baka akalain nila, biro lang ang manggahasa. We will be breeding a group of monsters dahil lamang sa isang maruming biro kapag nagkataon at magiging problema pa sila ng bansa.”
Nanawagan na rin si Antiporda kay Danton Remoto ng Ladlad Partylist na aksyunan ang nasabing isyu.
“Malaking kahihiyan sa third sex ang ginawa ni Vice Ganda,” aniya. “Dapat ipamukha sa kanya ng Ladlad at ng lahat ng mga bading at tomboy sa Pilipinas na hindi lisensya ang pagiging miyembro ng third sex para maging bastos at walang modo. Dapat pa nga, ipakita niya (Vice Ganda) na respectable siyang tao tulad nina Boy Abunda at Danton Remoto.”