LIMA katao ang kumpirmadong nasawi habang tinatayang mahigit P1 milyon halaga ng mga ari arian ang naabo makaraang lamunin ng lumalagablab na apoy ang isang bahay kahapon ng madaling araw sa Las Pinas City.
Kinilala ang mga nasawi na sina Erlinda Baustista, nasa hustong gulang, ng J. Villanueva Compound, 3rd Street, Barangay Alamanza Uno ng naturang lungsod; Rodel Cunanan; Alvin Lulen at Rogelio Gunamet habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa sa pang biktima, pawang mga nangungupahan sa nasabing compound.
Nabatid kay FO2 Karl Jeffrey Campanan ng Las Piñas City Bureau of Fire Protection, dakong ala-1:50 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa paupahang kuwarto ni Bautista hanggang sa mabilis na kumalat ang apoy at umabot sa ikatlong alarma.
Dakong alas-3 na ng madaling araw nang ideklarang fire out ang nasabing sunog kung saan nadiskubre lamang ang mga labi ng mga biktima nang magsagawa ng clearing operation ang mga tauhan ng pamatay sunog.
Natagpuan ang bangkay ni Bautista malapit sa banyo ng tinutuluyan nitong bahay habang ang iba pang nasawi ay natagpuan sa kanilang inuupahang kuwarto.
Patuloy naman nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga arson investigator upang matukoy ang sanhi ng naganap na sunog.