BUMABABA ang kaso ng dengue sa lungsod ng Navotas kumpara sa tala ng Navotas City Epidemiology and Surveillance Unit (NCESU) noong nakaraang taon.
Sa parehong araw mula Enero hanggang Mayo 18 ngayong taon, makikitang bumaba ng labing-siyam na porsyento ang kaso ng nakamamatay na sakit.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, “malaking tulong ang pakikiisa ng mga mamamayan sa lungsod sa mga ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapanatiling malinis ang kapiligaran tulad ng regular na clean-up activities sa iba’t ibang parte ng lungsod, regular na koleksyon ng basura at paglilinis ng mga kanal.”
Bukod dito, sinasabing nakatulong din ang anti-dengue spraying activities na pinagunahan ng Liga ng mga Barangay sa lungsod at ni Coun. Alfredo “Boy Dengue” Vicencio.
Kasabay ng bi-monthly schedule ng clean-up activity na pinagungunahan ni Mayor Tiangco sa bawat barangay, kasangga rin ng volunteer groups dito ang anti-dengue team na nabanggit upang tuluyang mapuksa ang mga lamok na may dala ng dengue virus.
Patuloy namang nagsasagawa ang Navotas City Health Department at City Social Welfare Development Office ng libreng seminar sa maliliit na komunidad upang maturuan ng tamang kalinisan sa kanilang bahay upang di pamahayan ng sakit tulad ng dengue.
Noong nakaraang taon, nakuha rin ng lungsod ang pinakamabang bilang ng kaso ng dengue sa pagtatapos ng taong 2012.