UMABOT na sa 59 ang electoral protests na inihain sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Commissioner Lucenito Tagle, karamihan ng mga kasong ito ay sa local posts gaya ng sa mga city mayors at provincial board members.
Natutuwa naman ito dahil mas mababa ang mga inihahaing electoral protest sa katatapos na May 13, 2013 midterm elections kumpara noong 2010 national polls.
Umaasa naman si Tagle na hindi na aabot pa ng 100 ang maihahaing poll protests sa kanila.
Kaugnay nito, sinabi ni Tagle na itinakda nila sa Hunyo 6 ang pagdinig sa mga protest cases.
Uunahin, aniya, nila ang mga petisyong humihiling na ipawalang bisa ang mga ginawang proklamasyon.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang isang natalong kandidato ay maaaring maghain ng election protest, 10 araw matapos ang proklamasyon ng mga nanalo.