WALANG nakikitang dahilan ang Malakanyang para mag-heigthened alert sa bansa bunsod ng napaulat na kumakalat na SARS-like virus sa Saudi Arabia.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, aktibo pa naman ang scanning process sa mga paliparan sa bansa kaya’t hindi makalulusot ang mga lalabas at papasok na turista man o Pinoy workers na galing at papunta ng Gitnang Silangan.
“The scanning process is still there. At this point, wala pa namang need para mag-heigthened alert tayo,” ang pahayag ni Usec. Valte.
Nauna rito, binigyang diin ng Malakanyang na hindi na bago ang kumakalat na SARS-like virus sa Saudi Arabia.
Aniya, walang dapat na ikatakot ang mga OFWs na nandoon ngayon sa Saudi Arabia at iyong mga turista at OFWs na kauuwi pa lamang sa Pilipinas mula sa nasabing bansa.
Sinabi pa ni Usec. Valte na nakausap na nila si Health Secretary Enrique Ona sa bagay na ito at napag-alaman na hindi na bago ang virus na ito.
Magkagayon man, ipinarating ng DoH sa publiko na aware sila sa nabanggit na situwasyon kaya’t masusi silang nakikipag-ugnayan ngayon sa World Health Organization (WHO) hinggil sa updates o progreso ng situwasyon sa Saudi Arabia.