ILIGAL umano ang pangongolekta ng Philippine Airlines (PAL) ng multa mula sa mga pasahero.
Kinuwestyon ni Iloilo City Rep. Jerry Trenas ang pinakahuling tuntunin ng PAL na mangolekta ng P1,500 na multa ang mga pasaherong mahuhuling mag-check-in 45 minuto bago ang takdang flight.
Kasabay nito ang panawagan ng mambabatas sa House Committee on Transportation na imbestigahan ang iligal na koleksyong ito ng PAL.
“Ripping-off your clients is certainly not a good way to do business,” ayon kay Trenas.
Giit pa ng kongresista na ang direktibang ito ay tahasang paglabag sa Air Passenger Bill of Rights na ipinatupad nitong nagdaang 2012 lamang.
Inilabas ang memo ng PAL na may petsang May 7, 2013 na kokolektahan ng P1,500 bilang “late check -in fee” ang mga pasaherong mahuhuli sa check-in.
“Our poor passengers are slapped with the P1,500 fine even if they were already queued at the check-in counter. PAL’s check-in personnel failed for process their ticket before the cut-off because of reasons that are out of the passengers’ control so why punish them with such ridiculous fines?”
Tinukoy din ng kongresista ang Section 3 ng Joint DOTC-DTI Administrative Order no. 01 na siyang batayan ng legal framework ng Air Passenger Bill of Rights na hindi dapat na ikunsiderang huli ang mga pasaherong nasa vicinity na ng paliparan isang oras bago ang flight.
Iminungkahi ni Trenas sa pamunuan ng PAL na ibalik ang lahat ng nasingil na multang P1,500 sa lahat ng nagbalik ng kanilang tiket matapos umatras sa biyahe dahil sa multa.