MAGKU-KRUS muli ang landas ng kontrobersyal na estranged couple na sina Kris Aquino at James Yap.
Ngunit sa pagkakataong ito hindi sa isang eksklusibong lugar kundi sa loob ng korte.
Ito’y kaugnay pa rin sa usapin ng karapatan ni Yap na makita ang anak nilang si Bimby.
Nabatid ng pinaboran lamang ng korte ay ang permanent protection order (PPO) na isinampa ni Kris laban sa dating mister subalit hindi kasali ang kanilang anak kaya’t maaari pa ring malapitan o mahiram ng PBA star si Bimby.
Ang prosesong mangyayari ngayong araw ay hihirit ng magkabilang kampo ang confidential court documents tungkol sa assessment ng social worker at child psychologist kay Bimby.
Inihayag ng abogado ni Kris na si Atty. Frank Chavez na sa assessment report kay Bimby nila ibabase ang desisyon kung iaapela ang hatol ng korte.
Giit ni Chavez, kapag sinabi sa report ng psychologist na mas makakasama kay Bimby ang pagkikita nila ng ama, mangingibabaw umano ang kapakanan ng bata.
Ayon pa kay Chavez, vindicated na ang Queen of All Media matapos na pagbigyan ng korte ang hiling nitong PPO dahil sa umano’y sexual harassment sa kanya ng dating mister, dahil patunay lang daw ito na naniniwala ang korte sa sinasabi ng TV host kaya hindi raw niya maintindihan kung bakit may mga tao pa ring ayaw maniwala sa Presidential sister.
Umaasa naman ang kampo ni James na ngayong araw ay makasama kaagad nito ang kanyang anak.
May ulat din na sa darating na Lunes magbabakasyon muli sa Europe sina Kris kasama si Bimby at panganay na si Josh.