HINILING ng isang partylist group sa Commission on Elections (Comelec) na buksan at bilangan ang lahat ng mga balota nitong nakalipas na May 13 midterm elections.
Ayon sa grupong Kaakbay, nais nilang mabatid kung tugma ba o hindi ang resulta ng halalan mula sa mga precint count optical scan (PCOS) machines sa mga laman ng mga balotang ipinasok dito.
Ginawa ng grupo ang pahayag sa harap na rin ng pag-amin ng komisyon ng pagkakaroon ng anila’y discrepancies o ‘di pagkakatugma sa resulta ng botohan nang magsagawa ito ng tinatawag na random manual audit gayundin ang pagkakabunyag ng umano’y 60-30-10 pattern ng ilang grupo ng mga IT experts.
Kaugnay nito, inihayag din ng United Nationalist Alliance (UNA) na lumapit ito sa Comelec upang panatilihin ang audit and transmission logs sa mga transparency server upang isailalim sa inspeksyon.