MAGPAPATUPAD ng “balasahan” sa traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan uunahin ang mga scalawag at pasaway na traffic enforcers na may mga nakabimbing reklamo at paulit-ulit na nasasabit sa anomalya.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, sisimulan niya ang pagbalasa sa traffic enforcers at ililipat sa iba’t-ibang lansangan sa Metro Manila upang maging epektibo sa kanilang trabaho.
Aniya, layunin din ng isasagawang pagbalasa na maiwasan ang “familiarization” o ang pagiging kabisado na ng traffic enforcers ang likaw ng bituka ng mga motorista sa kanilang lugar partikular ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na napagbibigyan na ang kapritso na posibleng may kapalit na lagay.
Habang ang traffic enforcers naman na may mga nakabimbin kaso na hindi pa nareresolba ay itatalag naman sa ibang lugar habang ang mga nahaharap sa seryosong kaso ay aalisin na ng tuluyan sa kanilang posisyon.
Ayon pa kay Tolentino, upang hindi maapektuhan ang bilang ng traffic enforcers na apektado sa balasahan, itatalaga na rin sa lansangan ang may 500 miyembro ng Rescue Team sa kahabaan ng EDSA upang makatulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko.
Binigyan diin ng MMDA chief na sa araw lamang ng Biyernes kung saan nagkakabuhol-buhol ng husto ang trapiko sa EDSA itatalaga ang mga nakapulang unipormeng miyembro ng Rescue Team lalo na kapag rush hour.
Nais ni Tolentino na maging pamilyar din sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko ang mga tauhan ng Rescue Team na malaki ang maitutulong lalo na ngayong malapit ng magbukas ang klase.