SANHI ng flu epidemic sa Estados Unidos, lalong hinigpitan ang pagmo-monitor sa mga parating na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport mula sa mga bansang tinamaan ng flu.
Ilang mga kawani ng gobyerno na kinabibilangan ng customs examiner at immigration officers ay nagsuot ng laboratory mask bilang proteksyon laban sa flu simula nang kumalat ang balita tungkol sa flu epidemic sa US na kumitil ng 100.
Ayon kay airport quarantine physician, Dr. Edgar Maala, wala pang inisyu ang World Health Organization na health alert advisories tungkol sa naturang flu, “and the only thing that we can do here at NAIA is strict monitoring and documentation on passengers.”
Aniya, patuloy ang maayos na paggamit ng thermal scanning para sa mga dumarating na pasahero at flight crew at ang paglalagay ng footbath para mapigil ang pagpasok ng anomang virus sa bansa.
Ayon pa kay Maala, nakikipagtulungan sila sa Manila International Airport Authority sa pagpapaigting ng kampanya kontra sa flu para ‘di mangamba ang publiko.
Batay sa mga naglabasang report, ang flu ay kadalasang tumatama sa mga bansang malalamig ang klima.
Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo, runny nose, pagkaranas ng pananakit ng ulo at katawan at fatigue.
Dagdag pa sa report na ilang katao sa Estados Unidos ang nakaranas ng pagsusuka at pagtatae, ang iba ay nagkaroon ng pneumonia at iba pang komplikasyon.
Pinayuhan naman ni Maala na bilang front liners, hinimok nitong magpabakuna ang mga empleyado sa airport bilang panlaban sa flu.