MALAYA ang mga mambabatas na kanselahin at tuluyang maipawalang bisa ang kontrobersiyal na Reproductive Health law.
Ayon kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, bahala na ang mga miyembro ng Kongreso na magdesisyon kaugnay sa posibleng maging hakbang na i-repeal ang nasabing batas sa pangunguna ng partidong Buhay Hayaang Yumabong (Buhay) na nanguna sa party list race sa katatapos lamang na eleksyon sa bansa.
“That will be up their fellow members of Congress. But certainly, as new representatives they are entitled to file resolutions or bills that they think will further the interests of their constituents,” ani Usec. Valte.
Isa sa kinatawan ng partidong Buhay na si dating Manila Mayor Jose Atienza Jr., ang nagpahayag na hangad niyang i-repeal ang Republic Act 10354.
“We will work for the repeal or amendment of RH law to remove totally the condemnable provisions. If we see we have the numbers to repeal we will push for it,” ang nakasaad sa kalatas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ang Buhay ay isa lamang sa mga grupong hayagang tumuligsa at kumontra sa RH law, na ipinasa ng Kongreso noong nakaraang Disyembre na nilagdaan naman ni Pangulong Benigno Aquino III upang maging ganap na batas.
Subalit, pinahinto naman ng Korte Suprema ang implementasyon nito para sa 120 araw.