HANDANG-handa na ang pamahalaan sa pagbubukas ng klase sa bansa sa darating na Hunyo.
Sa katunayan ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte ay handa na ang Philippine National Police (PNP) para sa seguridad ng mga estudyante sa unang araw ng pagbubukas ng klase.
Bukod sa PNP ay nakatakda nang paikutin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang caravan para sa mura at ligtas na school supplies
Kadalasan aniya ay pumu-puwesto ang mga ito sa mga munisipyo at mga matataong lugar sa lungsod.
“Kausap natin ‘yung mga kasama sa PNP noong isang araw at handa naman sila doon sa pagbubukas at pagbalik eskwela ng ating mga mag-aaral. Pangalawa, taun-taon po ay nagpapaikot po nung caravan ang DTI para po doon sa mga mura at mga safe na school supplies,” ani Usec. Valte.
Ang pakiusap naman ng opisyal sa mga magulang ay humingi ng impormasyon sa DTI hinggil sa kung kailan gagawin ang nilang caravan.
Sa kabilang dako, pinaalalahan naman ng Malakanyang ang mga magulang na maging mapagmasid sa mga paaralang magtataas ng tuition fee.
Sinabi nito na isang paalala mula aniya sa Department of Education (DepEd) na isumbong sa kanila ang mga paaralang magtataas ng koleksyon ng tuition fee.
“Mahigpit pong pinagbabawal ‘yan ng DepEd sa mga public school kahit tawagin po nila ‘yung mga voluntary collections. Meron lang pong mga bagay na binibigyan ng pahintulot ang DepEd pagdating po sa mga kakaunting babayarin sa ating mga pampublikong paaralan,” ani Valte.
Nagpasaklolo naman ang Malakanyang sa Local Government Units (LGUs) na tulungan silang inspeksyunin ang mga dormitoryo bago pa magbukas ang klase sa susunod na taon.
“We ask the cooperation of the local government units to inspect the dormitories in your areas to make sure that they are compliant with the new building code,” ang pahayag ni Usec. Valte.