NAKABALIK na sa bansa si Marissa Lapid, maybahay ni Sen. Lito Lapid na na-convict sa kasong cash smuggling sa Estados Unidos
Ito ang kinumpirma ni Atty. Maria Antonette Mangrobang, tagapagsalita ng Bureau of Immigration.
Sa records ng BI, dumating si Marissa Tadeo Lapid nito lamang Martes sa NAIA 1 lulan ng Cathay Pacific flight CX 907 mula Hong Kong.
Matatandaan na nahatulan si Lapid ng Nevada court ng tatlong taong probation, 5 buwang home arrest, multa na 40,000 US dollars dahil sa hndi tamang pagdedeklara ng dalang salapi at pagbawi sa mahigit 150,000 US dollars na nakadeposito sa mga bangko sa Las Vegas.
Inaresto si Lapid sa Las Vegas International Airport noong Enero 2012 dahil sa hindi pagdedeklara ng bitbit na 50,000 US dollars noong Nobyembre 2010 at sa ilang kaduda-dudang transaksiyon sa bangko tulad ng serye ng kanyang cash deposits mula 2009 hanggang 2010.
Sa ilalim ng probation, hindi naman makukulong ang asawa ng senador at maaaring bumiyahe pabalik bansa subalit kinakailangan niyang regular na magreport sa isang probation officer.
Kanselado rin ang knyang immigrant status sa Estados Unidos.