PINAGTIBAY ng Court of Appeals ang desisyong permanenteng pumipigil sa nationwide field trial ng genetically modified na talong na mas kilala sa tawag na Bacillus thuringiensis o “BT talong”.
Ang pag-aaral sa BT talong ay ginagawa ng University of the Philippines sa Los Baños katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong ahensya.
Nakasaad sa desisyon ng CA Special 13th Division, sa pamamagitan ni Associate Justice Isaias Dicdican na hindi pa tiyak ang magiging epekto ng field trial ng BT talong sa kapaligiran at kalusugan mismo ng mga tao.
Kinatigan nina Appellate Associate Justices Myra V. Garcia-Fernandez at Nina G. Antonio-Valenzueala ang nasabing desisyon.
Binigyang diin ng CA na dahil sa walang batas na nagre-regulate sa field testing ng genetically-modified na mga halaman ay dito na pumapasok ang “precautionary principle” kung saan nakasaad na ang human activities na maaaring magdulot ng seryosong banta at matinding pinsala sa kapaligiran ay dapat agad na pigilan.
Kasama sa petitioners, ang environmental group Greenpeace at Masipag, isang organisasyon ng mga magsasaka at scientists.
Kasama sa respondents ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture, University of the Philippines (UP) Los Baños Foundation Inc., UP Mindanao Foundation Inc. at International Service for the Acquisition of Agri-biotech Applications.
Noong Mayo 2, 2012 una nang naglabas ng Writ of Kalikasan ang Korte Suprema kaugnay ng nasabing kaso.
Nag-ugat ang kaso kasunod ng ginawang field testing ng BT Talong sa Pangasinan, Laguna at Camarines Sur, habang sa Kabacan, North Cotabato ay patuloy na nagsasagawa ng pagsusuri.
Iginiit sa petition na nilabag nito ang constitutional right ng isang indibidwal sa isang balanse at malusog na kalikasan dahil sa panganib ng kontaminasyon na maaaring idulot ng teknolohiya dahil sa indigenous genetic resources sa bansa.
Kaugnay nito, inatasan ng CA ang respondents na i-rehabilitate ang mga lugar kung saan nagsagawa ng field testing.