DEDESISYUNAN na ng Department of Justice ang kasong pagpatay kay Infanta, Pangasinan Mayor Ruperto Martinez.
Pinagsusumite na ng panel of prosecutors ng kani-kanilang mga position paper ang mga partidong sangkot sa kaso.
Sa isinagawang clarificatory hearing kanina, sinabi ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes, miyembro ng panel na may hawak ng kaso, na partikular nilang inaatasan na magsumite ng position paper ang kampo ng mga respondent na sina Pangasinan Gov. Amado Espino Jr. at Congressman Jesus Celeste, gayundin ang panig ng NBI at Akap Bata na kumupkop sa binatilyong testigo sa krimen.
Sampung araw ang ibinigay ng panel para sa pagsusumite ng position paper at pagkatapos nito ay idedeklara nang submitted for resolution ang reklamo.
Samantala, bigo namang makasipot sa pagdinig kaninang umaga si Zambales Governor Hermogenes Ebdane na inimbitahan ng DOJ para sana tumestigo para sa panig ni Espino.
Tanging ang abogado lamang ni Ebdane ang dumating at nagsumite ng mosyon kung saan hiniling ng gobernador na huwag na siyang tumestigo sa kaso.
Si Martinez ay pinaslang noong December 15, 2012 sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Cato, Infanta.
Matatandaang sina Espino at Celeste ay sinampahan ng reklamong murder ng NBI batay sa testimonya ng 16-taong gulang na binatilyo na nasa kustodiya naman ng Akap Bata.