NAMANGHA si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz sa pagdami ng mga milyonaryong kongresista sa bansa, kasabay nang pagdami rin ng mga pamilyang Pinoy na dumaranas ng kagutuman at pumapalo na ngayon sa 3.9 milyon.
Nagpahayag din ng pagtataka si Cruz kung saan nakuha ng mga kongresista ang kanilang kayamanan gayung itinuturing silang public servant na sumasahod lamang ng P420,000 kada taon.
Ayon kay Cruz, bilang public servant, dapat aniya inilalaan ng mga mambabatas ang kanilang oras, panahon at yaman sa paglilingkod sa taumbayan lalo na sa mga mahihirap.
Tahasan ding sinabi ni Cruz na sa mayayamang kongresista, tanging sa yaman lamang ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao siya kumbinsido.
Paliwanag ni Cruz, batid naman ng lahat na pinaghirapan ito ng Pambansang Kamao sa pagboboksing, hindi gaya ng maraming kongresista na bigla na lang naging milyonaryo.
Ikinalulungkot din ni Cruz na mistulang sa halip na public service ay self-service ang ginagawa ng mga public officials sa bansa.
“Kahapon nga po sa mga lumabas na SALN (Statement of Asset, Liabilities and Net Worth) ng mga mambabatas natin ay yun pong karaniwan sa ating mga nagsisilbi sa bayan ay mga milyonaryo. Halos lahat sa mga kongresista ay mga milyonaryo. Nakakamangha po kung paano nila nakakamit ang ganung karaming pera kung sila ay public servant,” ayon kay Cruz.
Matatandaang sa inilabas na SALN ng mga kongresista, nangunguna si Pacquiao sa pinakamayamang mambabatas na mayroong kabuuang asset na P1.7 bilyon, pangalawa si Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos na may P922 milyong asset, sinundan ni House Speaker Feliciano Belmonte na may P817 milyong asset habang pinakamahirap naman si Anakpawis Rep. Rafael Mariano na may P92,000 asset.