NAGLAAN na ng P1 milyong emergency budget ang Department of Health (DOH) para sa mga pasyenteng apektado sa naganap na sunog sa female ward ng Davao Mental Hospital.
Ayon kay Department of Health (DOH) Assistant Secretary, Dr. Elmer Punzalan, cluster head at tagapamahala ng lahat ng mental facilities sa bansa, kukunin sa nasabing pondo ang pambayad sa mga pribadong ospital na pinaglipatan ng 90 babaeng pasyente.
Kada araw aniya ay aabot sa P7,000 ang gagastusin ng DOH sa bawat pasyente na inilipat sa ibang ospital.
Napag-alaman na luma na ang nasabing pagamutan at ito ay plano nang ipaayos.
Nasa 197 pasyente naman ang nailigtas sa ospital.
Samantala, isang lalaking pasyente naman ang pinaghahanap ngayon matapos tumakas sa kasagsagan ng sunog.