INAKYAT ni GM Mark Paragua ang solo liderato matapos kaldagin ang kababayang si GM Julio Catalino Sadorra sa round 5 ng $100,000 Manny Pacquiao Asian Continental Chess Championships sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City kagabi.
Hinila pababa ni No. 12 seed Paragua, (elo 2550) si Erstwhile leader Sadorra, (elo 2561) sa 33 moves ng French upang ilista ang 4.5 points matapos ang five rounds sa event na inorganisa ni Asia’s first grandmaster Eugene Torre at inisponsoran naman ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Pagsulong ni Paragua ng Bb5 nakulong na ang hari ni Sadorra.
“Pinilit ko talagang manalo para mapasama ako sa top spot, sinuwerte naman at nasolo ko pa.” saad ni Paragua na nakapaglaro sa nakaraang World Cup.
Makikilatis naman sa sixth round kung hanggang saan ang tikas ni Paragua dahil makakaharap niya si top seed at super GM Le Quang Liem, (elo 2714) ng Vietnam.
“Ganun pa rin ang diskarte ko go for the win, pag hindi kaya kahit draw para nasa top pa rin tayo.” dagdag pa ni Paragua na naging unang Filipino na umabot sa 2600 pataas na elo rating.
Natablahan si Le ni GM Lalith Babu, (elo 2572) ng India upang makasalo ng una ang apat na woodpushers sa second to sixth spot tangan ang 4 pts.
Ang ibang four pointers ay sina Sadorra, GMs Li Chao, (elo 2686) ng China, John Paul Gomez at Richard Bitoon.
Pinisak ni Gomez si ranked No. 10 GM Li Shilong, (elo 2558) ng China habang si Bitoon ay pinayuko si 12-time National Champion GM Rogelio Antonio Jr. (elo 2539).
Mapapalaban din si Bitoon kay Li habang sina Sadorra at Gomez ang magkalaban.