KINUMPIRMA ng isang Catholic priest na humupa na ang galit ng mga Taiwanese sa mga Pinoy, kaugnay nang pagkakapatay ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang Taiwanese fisherman sa Balintang Channel kamakailan.
Ayon kay Father Leonilo Mantilla, parish priest ng St. Christopher’s parish sa Zhung Shan, Taiwan, sa ngayon ay maraming Pinoy na rin ang nagsisimba sa kanyang parokya.
Sinabi rin ng pari na ikinatutuwa niya ang pangyayari at naging maayos na ang lahat.
Samantala, sinisi ng pari ang media sa Taiwan dahil sa paglalabas nila ng mga mali-maling balita hinggil sa pananakit ng mga Taiwanese sa mga Filipino kaya mas lalong nadagdagan ang tensyon sa nakalipas na mga linggo.
Iginiit ni Mantilla na mababait at peace loving people ang mga Taiwanese at isolated lamang ang balitang pananakit sa ating mga kababayan doon na kaagad namang tinugunan ng Taiwanese authorities.
“At this moment very cool na po at hindi na masyadong mainit. Ang ginawa naman ng mga pari natin dito, sinabihan namin ang ating mga kababayan na mag-ingat lang po. They have to go by group at huwag mag-isa lang umalis kasi nga may hate campaign dito laban sa atin pero mababait naman at peaceful loving people ang mga Taiwanese. Na-blown out lang po ito out of proportion kasi ang media rito pinalabas pati yung nangyari sa Hong Kong. ‘Yung ibang nangyari how many years ago ay masyadong inungkat tuloy naging mainit ang isyu. At saka alam mo naman ang social media grabe ang gawa-gawa na istorya lalo tuloy nagkagulo. May balitang may Pinoy na sinaksak na ‘di naman totoo. Naapektuhan nga kami rito. Marami ang hindi dumalo sa mga misa namin for almost two weeks. 99 percent kasi rito ng mga parishioner namin ay mga Filipino. Kami po rito ang may pinakamaraming misa. Dalawa po in Tagalog and the rest are in English,” kwento pa ni Mantilla, sa panayam sa radyo.
Tinatayang nasa 1.5-million hanggang 2% ng kabuuang populasyon sa Taiwan ay mga Katoliko.
Samantala, iginiit naman ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na dapat laging handa ang contingency plan ng pamahalaan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sakaling may namumuong tensyon tulad sa Taiwan.
Binigyang-diin ni Pabillo na dapat laging maramdaman ng mga OFW ang pag-aalaga at pag- aasikaso ng gobyerno tulad ng sitwasyon sa Taiwan.
Umaasa rin ang Obispo na matututo na ang pamahalaan sa naganap na tensyon sa Taiwan at maging visible naman ang aksyon ng gobyerno kapag nalalagay na sa alanganin ang buhay ng mga Pinoy sa anomang bansa dahil sa masamang relasyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa ibang mga bansa.