UMIINIT pang lalo ang sigalot sa pagitan nina Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. at dating Comelec Commissioner Augusto Lagman matapos na maungkat na pati ang intelligence funds na ibinibigay sa mga opisyales ng poll body.
Nauna rito, ibinunyag ni Lagman na ang mga opisyal ng Comelec ay may natatanggap na intelligence funds at inaming maging siya ay nakatanggap nito sa halagang P1.25 milyon.
“An area where I definitely did not accomplish anything was ‘intelligence’ work. I didn’t even know that Commission on Elections (Comelec) commissioners had that function,” ani Lagman. “Sometime in 2011, I received a check payable to me for P1 million, followed a few months later by another P250,000, as ‘intelligence’ fund, or ‘I.F.’, as they referred to it. Presumably, all Commissioners received an equal amount, with the Chairman, as mentioned by one of the Commissioners, receiving double that.”
Gayunman, sinabi rin ni Lagman na isinauli niya ang pera matapos na hawakan ito ng ilang buwan at maramdaman aniya niya na pinalalagda siya ng false liquidation hinggil dito.
Isang election lawyer aniya ang nagsabi sa kanya na siya lamang ang tanging commissioner na nagsauli ng naturang pondo.
Ayon naman kay Brillantes, tama lamang na isinauli ni Lagman ang intelligence funds na ibinigay sa kanya noong taong 2011 dahil hindi naman niya ito nagastos sa bagay na pinaglalaanan nito.
Inamin rin ni Brillantes na nakakatanggap ang mga commissioner ng poll body ng intelligence funds allocations na ginagamit ng mga ito sa pagtugon sa mga election-related cases.
Matatandaang binakante ni Lagman ang kanyang pwesto noong 2012 matapos na hindi na siya muli pang i-appoint ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
“Kinuha niya ‘yung pera, ‘yung P1.25 milyon. Dineposito niya sa account niya. Apparently hindi niya nagastos. Noong hindi siya na-reappoint, dapat niyang isauli. Bakit niya ipinagmamalaki niya na sinoli niya? Bakit niya ipinagmamayabang na sinauli niya?” ani Brillantes, sa panayam sa radyo.
“Kung wala siyang intelligence, wala siyang ginastos, eh di isauli niya. Obligasyon niyang isoli,” dagdag pa ni Brillantes.
Ipinaliwanag rin naman ni Brillantes na maaring naipagkamali lamang ni Lagman ang mga dokumento bilang liquidation papers.
“Hindi iyon liquidiation. Nakalagay doon, na sinasabi ng finance officer, na ito ang pwedeng paggamitan [ng pondo]. Hindi iyon ang liquidation,” ani Brillantes.
Iginigiit naman ni Lagman na inungkat lamang niya ang naturang isyu sa ngayon dahil sa pag-akusa sa kanya ni Brillantes na wala namang nagawa sa panahon ng panunungkulan niya sa Comelec.
“Banggit nang banggit si Chairman Brillantes na wala akong ginawa sa komisyon nung nandoon ako so hinalungkat ko ‘yung files ko, sabi ko ‘Ito ang dami ko namang nagawa a!’… Baka naman itong sa intelligence, baka meron talagang ginagawang imbestigasyon, e wala naman akong ginawa kaya sinoli ko,” ani Lagman. “Palagay ko ‘yung intelligence fund para sa imbestigasyon. Wala naman akong pinagkagastusan na ganun kaya sinoli ko.”
Nilinaw naman ni Brillantes na ang tinutukoy lamang niya ay ang mga accomplishment ni Lagman hinggil sa automation ng eleksiyon.
“Wala siyang accomplishment as far as the automated elections is concerned. Ang biggest accomplishment niya–he decided on 400 cases, na hindi naman siya abugado,” ani Brillantes.
Inamin rin ni Brillantes na para ngayong taon ay mayroon silang P20 milyon na intelligence funds na nakapangalan sa kanya at ang kalahati nito ay naipamahagi na niya.