KINUBRA na ng isa sa dalawang lotto winner ang kalahati ng mahigit P46 milyong jackpot prize ng 6/45 Mega Lotto na binola noong Mayo 20 kamakalawa ng hapon sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Pasay City.
Tinanggap ng 20-anyos na lalaking taga-Maynila ang tsekeng umaabot sa kabuuang halaga na P23,228,663.30 kung saan kinuha nito sa petsa ng kapanganakan nilang mag-asawa at petsa ng kanilang anibersaryo ang tinayaang kombinasyon na 10-19-07-21-28-22 na may katumbas na kabuuang premyong P46,457,326.60.
Ayon kay PCSO general manager Jose Ferdinand Rojas II, ang instant milyonaryo ay noon lang nagdaang taon nagtapos sa kursong culinary sa kolehiyo at kamakailan lamang ikinasal sa kasintahan na magtatapos naman sa pag-aaral sa susunod na taon.
Plano ng mag-asawa na bumili ng sarili nilang bahay at lupa, kotse, magtayo ng restaurant at grocery store at magbigay ng kaukulang halaga sa kanilang mga magulang bilang balato.