NAGPAPALAKAS na ng pwersa ang Lakas-CMD upang masungkit ang Minority Leadership sa Kamara.
Sa press conference, sinabi ni House Minority Leader Danilo Suarez na sinisimulan na ng liderato ng Lakas ang recruitment sa mga nanalong kongresista para sa pagpasok ng 16th Congress.
Sinimulan na ayon kay Suarez ang konsultasyon at pakikipag-usap sa mga bagong kongresista, sa mga dating miembro ng Lakas na nakipag-alyado sa administrasyon at sa mga nanalong partylists.
Ayon kay Suarez, mismong si Leyte Rep. Martin Romualdez na siyang presidente ng Lakas-CMD ang nakikipag-usap na kay Vice President Jejomar Binay na isa sa pinakamataas na lider ng United Nationalist Alliance (UNA) para sa posibilidad ng alyansa.
Si Romualdez ang mamanukin ng Lakas upang lumaban sa speakership na hawak ngayon ni Quezon City Rep. Feliciano “Sonny” Belmonte at kung makukuha nito ang pangalawang may pinakamaraming boto ay otomatiko na siya ang magiging minority floorleader.
Kabilang din sa mga kinakausap ng Lakas bukod sa UNA ay ang Nationalist Peoples Coalition (NPC).
Bukod kay Romualdez ay matunog din ang mga pangalan nina Navotas Rep. Toby Tiangco at San Juan Rep. Ronaldo Zamora sa lalaban sa pagka-speaker ng Kamara.
Ang Lakas ay may 14 na miembro sa Kamara.