TAIPEI, Taiwan – Tiniyak kaninang umaga (Mayo 18) ni Taiwanese President Ma Ying-jeou ang kaligtasan ng mga Pinoy sa Taiwan kasunod ng umiigting na anti-Philippine sentiment na bunsod ng pagkamatay ng Taiwanese fisherman na nabaril ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ni Ma, na patuloy silang nakikipag-usap sa Pilipinas at umaasang mareresolba sa kalmado at mapayapang pamamaraan ang usapin upang hindi maapektuhan ang relasyon ng dalawang bansa.
“We will continue negotiating the issue with the Philippines and I hope everyone can calmly and peacefully resolve the issue to avoid hurting bilateral ties,” ani Pres. Ma
Sinabi ng lider na inatasan na nito ang mga kinauukulan sa Taiwan na bigyang proteksyon ang may 87,000 mga Pinoy na nakatira at nagtatrabaho sa kanilang bansa.
Ito’y kasunod ng napapaulat na pagmamaltrato ng mga Taiwanese sa mga overseas Filipino workers na ang ilan pa ay pinalo ng baseball bat.
Umapela naman si Taiwan Foreign Minister David Lin sa mga mamamayan nito na kumalma at tratuhin nang maayos ang mga Pinoy.
Ayon kay Lin, itinuturing nilang kaibigan ang mga Filipino at titiyakin ng Taipei na mabibigyan sila ng magandang working environment.
“We consider the Filipino people as our friends… We call on our people to treat them well, and our government will continue to provide a friendly environment for them,” ani Lin.