BABALIK na lamang sa kanilang bansa ang Taiwanese investigation team na ipinadala sa Pilipinas, upang mag-imbestiga sa pagkamatay ng Taiwanese fisherman na binaril ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa report ng Central News Agency (CNA), ang state news agency ng Taiwan, nagdesisyon ang 17-member team na bumalik na lang ng Taipei matapos silang isnabin ng gobyerno ng Pilipinas.
Nitong nakaraang Huwebes nang dumating ang grupo sa bansa bagama’t tinanggihan ng Pilipinas ang hirit na joint investigation sa pagkamatay ng mangingisdang si Hung Shih-cheng.
Samantala, nagpaliwanag naman ngayon ang Taiwan kung bakit hindi tinanggap ang apology ng Pilipinas.
Sinabi ni Taiwanese Foreign Minister David Lin, hindi positibo, sapat at kongkreto ang tugon ng Aquino administration sa kanilang demands.
Ayon kay Lin, hindi nila matanggap ang iginigiit ng Pilipinas na hindi sinasadya ang pagkamatay ng mangingisda.
“We acknowledge the official apology but we feel strongly that the word ‘unintended’ was totally unacceptable to the ROC government,” ani Lin.
Inihayag ng opisyal na batay sa pag-inspeksyon nila sa bangka ni Hung, tadtad ito ng halos 60 tama ng bala kaya’t naniniwala silang intensyon umano ng Coast Guard na patayin ang Taiwanese fisherman.
Una nang sinabi ni Taiwan President Ma Ying-jeou na “cold-blooded murder” ang pagpatay sa kanilang kababayan.