KALABOSO ang dalawang telecommunication hackers nang maaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa magkahiwalay na operasyon sa Metro Manila.
Sa natanggap na ulat ni NCRPO chief Police Director Leonardo Espina, nadakip ng mga tauhan ni Sr. Insp. Ruselito Sabado, hepe ng Regional Police Investigation Operating Unit (RPIOU) ang mga suspek na sina Joseph Caldero, unang nahuli noong Mayo 15 sa loob ng isang fast food chain sa kanto ng Regalado at Quirino Avenue sa Quezon City.
Sumunod na naaresto si Rodel Ancheta, dakong alas-2:30 ng hapon sa 3547 Litex Road, Barangay Commonwealth sa naturan ding lungsod.
Napag-alaman na inaresto ng mga awtoridad ang mga suspek dahil na rin sa reklamo ng Globe Telecommunications na pinanghihimasukang i-hack ng mga suspek na nagiging dahilan upang maisagawa nilang maharang o mapasok ang mga website ng ilang mga customer ng naturang telecomminications company.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8484, Know as Access Device, R.A. 8792 or E-Commerce Act and Presidential Decree 1612, Anti Fencing Law na may katapat na multang mula P24,000 hanggang P100,000 at anim na taong pagkakabilanggo ang dalawang naarestong suspek.