DINEPENSAHAN ng ilang kongresista ang Commission on Elections (COMELEC) sa ginawang proklamasyon sa unang anim na nangungunang kandidato sa pagka-senador.
Pinaboran ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga, Chairman ng Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang ginawa ng Comelec sa pagsasabi na dati na aniyang ginagawa ito ng komisyon lalo pa’t malaki na at sapat ang lamang na boto.
Sinabi ni Barzaga na pinapayagan ito sa ilalim ng batas kung hindi na talaga makaaapekto ang natitirang mga boto para mabago ang resulta ng eleksyon.
Naniniwala ang kongresista na ito ang naging basehan ng Comelec sa pagproklama kagabi kina Grace Poe, Loren Legarda, Chiz Escudero, Allan Peter Cayetano, Nancy Binay at Sonny Angara.
Dagdag pa ng kongresista, ginagawa rin ito maging sa local elections sa mga pagkakataong may nagka-aberyang PCOS sa ilang presinto na kung hindi na rin substantial ang bilang ng boto ay nagkakaroon na ng proklamasyon ng mga nanalong kandidato.
Ito ang naging reaksyon ni Barzaga sa puna ng ilang kritiko na nagmadali umano ang Comelec sa pagproklama sa anim na nanalong senador.
Magkagayunman, palaisipan para sa kongresista ang suspension sa pagbilang ng boto ng mga partylists.