NAPIGIL ng Department of Labor and Employment o DOLE ang planong welga o strike ng union ng mga manggagawa sa isang eksklusibong eskuwelahan para sa mga lalaki.
Ito ay matapos magkasundo ang pamunuan ng Paref Southridge School for Boys at mga miyembro ng Paref Southridge Teachers Union sa ginanap na mediation na pinangunahan ng National Conciliation Mediation Board National Capital Region (NCMB-NCR) para sa panibagong Collective Bargaining Agreement o CBA.
Bunsod nito ay magbibigay ng P13-M economic package ang management ng Paref sa mga miyembro ng union mula March 2013 hanggang March 2016.
Kabilang rito ang P450 wage increase per month habang may bisa ang CBA, karagdagang merit increases alinsunod na rin sa performance ng bawat kawani.
“The school has also agreed to shoulder the tuition fee of up to two children of an employee belonging to the bargaining unit, provided that a maximum of ten children will be allowed to avail of the grant in a year… the school also agreed to shoulder 50% of the tuition fee of a union member’s child enrolled in Woodrose School, a sister school exclusively for girls. A maximum of five children in a year are allowed to avail of the grant”, paliwanag ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz.
Nabatid na isa sa 7 eskuwelahan na pinatatakbo ng Parents for Education Foundation na nasa Hillsborough Subdivision, West Service Road, Brgy. Cupang, Muntinlupa City, isa itong affiliate of the Opus Dei ang Paref Southridge School for Boys.
Nirerepresenta naman ng Paref Southridge Teachers Union ang 100 regular teachers sa ginanap na CBA.
Batay sa rekord, naghain noong December 2012 ng notice of strike sa DOLE ang mga miyembro ng union ng manggagawa ng eskuwelahan makaraang magkaroon ng deadlock sa CBA.
Sakop ng CBA ang mga rank and file teachers na miyembro ng union habang hindi kasali sa napagkasunduang benepisyo ang mga confidential, supervisory at managerial employees.
Sa panig ng union, tinanggal nila ang issues on de-loading ng union president at vice-president, sick leave conversion, sabbatical leaves, retirement benefits at ang service award sa panahon ng negosasyon upang makasentro sa mas mahalagang aspeto ng kanilang mga kahilingan.