KAPWA pinaglalamayan na ngayon sa kani-kanilang bahay ang isang inhinyero at isang binatilyo nang makuryente ang una at tamaan naman ng kidlat ang huli sa magkahiwalay na insidente sa General Santos City kaninang umaga (Mayo 16).
Hindi na umabot ng buhay sanhi ng tinamong 3rd degree burn sa buong katawan ang biktimang si Ernesto Almohalia, 40-anyos residente tubong Escalanta, Negros Oriental pero nagtatrabaho sa lunsod.
Base sa ulat, nangyari ang insidente kaninang 8 ng umaga habang nagkukumpuni ng linya ng kuryente ang biktima sa isang sasakyang pandagat.
Natagpuan na lamang ito ng kanyang mga kasamahan na wala ng malay at nangingitim ang buong katawan na pinaniniwalaang sanhi ng pagpasok ng malakas na boltahe sa kanyang katawan.
Sa Buayan, GenSan naman, tinamaan ng kidlat kaninang umaga ang biktimang si Aldrin Herolaga, residente ng Purok 2, Buayan ng lungsod.
Sinabi ni Beverly Herolaga, ina ng binatilyo na naliligo ang kanyang anak sa Buayan River kasama ang tatlong iba pa nang biglang umulan at kumidlat.
Sa takot na tamaan, sumilong ang grupo ng biktima sa malaking puno ng mangga pero biglang kumidlat at natamaan si Herolaga.