MATAPOS magreklamo ang ilang pulis na nakatanggap ng kulang na “cash allowance”, agad na nagpaliwanag ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi umano ito ibinulsa dahil ipinarehas lamang umano nila ito mula sa oras na itinagal ng pulis sa pagbabantay nito sa naganap na araw ng halalan.
Ayon kay NCRPO spokesperson Chief Inspector Kimberly Molitas, hindi aniya maaring maging parehas ang allowance ng pulis na mas konting araw lang ang binuno sa panahon ng eleksyon.
Ang mga pulis na binigyan ng P2,000 allowance ay ang mga pulis na nakatuwang at nagbantay mula pa lamang sa paghahatid ng precinct count optical scan (PCOS) machine at election paraphernalias sa mga paaralan hanggang sa huling araw kung saan muling ibabalik ito sa kanyang werehouse.
Habang ang mga nakakuha ng isang libong piso ay mga pulis na nagbantay lanag mula ng disperas ng halalan hanggang matapos ang botohan.
“Kung tutuusin ay mas malaki pa ngayon ang pinagkalooban ng allowance sa mga pulis kumpara noon 2010 presidential election na pantay pantay lamang na tig isang libo lamang ang nakuha nila” paliwanag pa ni Chief Inspector Molitas.
Ayon pa kay Molitas, mismong si NCRPO chief Director Leonardo Espina tumanggap lamang siya ng P1,000 allowance sa katatapos lamang ng halalan.
Matatandaan na unang nagreklamo ang ilang mga tauhan ng Pasay City Police na hindi umano sapat ang natanggap nilang allowance na dapat ay dalawang libong piso ngunit nasa P1,300 lamang ang kanilang nakuha.
Dahil dito, agad nagpaliwanag si S/Supt. Rodolfo Llorca, hepe ng Pasay City Police, sa mga ipinagmamaktol ng ilang pulis na P1,300 lamang ang kanilang mga natanggap na allowance.
Ipinagtaka lamang ng mga pulis na nasa dalawang libong piso ang kanilang pinirmahan sa pagkuha nila sa Finance Department ng Pasay City subalit nang ibigay sa kanila ang sobre ay P1,300 lamang ang laman nito.
Ipinaliwanag ni Llorca na pinagpantay-pantay na lamang ang kinuhang allowance ng mga pulis pasay dahil sa kanilang nakuhang listahan ng mga pangalan mula sa Southern Police District (SPD) ay hindi pare-pareho ang matatanggap.
Kaya’t ang kanilang ginawa upang pantay-pantay na makukuhang allowance ay ginawa nilang P1,300.
“Hindi lamang agad na naipaliwanag sa kanila kung bakit ganun ang nakuha nilang halaga na sa halip ay dalawang libo, pero ngayon naipaliwanag na namin sa kanila at okey na sa kanila , nagkulang lang sa paliwanag” ani pa ni Llorca.