UMAASA ang Malakanyang na tutuparin ng Commission on Elections ang pangako nito na ipo-proklama nila mamayang gabi ang 5-6 na nanalong senador sa katatapos lamang na halalan sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, may rason si Comelec Chairman Sixto Brillantes sa pagkakaantala ng proklamasyon ng mga nanalong senador at iyon ay kanilang naiintindihan.
“There are reasons for them why they could not proclaim within 48 hours. We would like to know the results as soon as they are tabulated and canvassed. But, again, it’s an independent institution. We would leave it with Chairman Brillantes. I think they have been in the process of explaining why. We hope that they would be able to proclaim tonight,” ani Sec. Lacierda.
Ipinaubaya naman ng Malakanyang sa komisyon ang pagtugon sa concerns ng tagapagsalita ng United Nationalist Alliance (UNA) na si Toby Tiangco at ang inihayag ng Liberal Party hinggil sa mabagal na pagpapalabas ng resulta mula sa transparency server.
Para sa Malakanyang, hindi kailanman naging isyu sa kanila ang kredibilidad ng eleksyon dahil tiwala sila sa Comelec.
Sinabi ni Sec. Lacierda na inaasahan nila na tutuparin ni Brillantes ang kanyang pangako na maisapuboiko ang 5-6 na nananalong senador sa bansa.
Dedma naman ang Malakanyang sa pagkakaroon ng maliit na problema sa paggamit ng PCOs machines at lag in transmission dahil bagama’t may nangyaring maliit na aberya ay naging matagumpay naman sa kabuuan ang halalan.