NA-protektahan ng Indiana Pacers ang kanilang home matapos kaldagin ang New York Knicks, 82-71 sa 2012-13 National Basketball Association, (NBA) Eastern Conference second round playoffs kaninang umaga.
Nabantayan din ng Pacers ang three-point area upang hindi makabato ang mga shooters ng Knicks.
”That’s how we play Pacers basketball,” sabi ni Pacer Paul George na bumira ng 14 pts., tig walong rebounds at assists at limang steals. ”We just locked in, and it was just helping one another on the defensive end.”
May 3-of-11 ang Knicks sa three-point field goal habang 10-of-33 naman ang kinana ng Pacers.
Maging sa rebound ay lamang din ang Pacers, 53-40 kaya naman lamang na sila 2-1 sa kanilang best-of-seven semifinals.
Sa Game 4 ay sa Inidiana pa rin ilalaro.
”They outrebounded us, they won the hustle today, the little things,” saad ni Knicks star player Carmelo Anthony. ”It all came down to us not scoring the basketball. … We can’t beat anyone scoring 71 points.”
Tumikada ng double-double sina Pacers center Roy Hibbert at forward David West.
Nagsalansan si Hibbert ng 24 pts. at 12 rebounds habang si West ay may 11 markers at 12 boards.
Bumakas din si George Hill ng 17 puntos at anim na rebounds para sa Pacers.
Si Anthony naman ang nanguna sa Knicks na may 21 points at limang rebounds.
Sa ibang laban, nanaig ang Memphis Grizzlies sa Oklahoma City Thunder, 87-81 sa Western Conference semis.
Tangan ng Memphis ang 2-1 bentahe.