DINUKOT ng dalawang hindi nakikilalang armadong kalalakihan ang isang babaeng mamamahayag sa Candelaria, Quezon kaninang madaling araw (May 12).
Sinabi ni Police Supt. Erwin Obal, CALABARZON regional office spokesperson na ang dinukot ay si Melinda Jennifer Glefonea, radio announcer ng 103.1 FM Edge.
Wala pang ideya ang Candelaria PNP, kung sino ang dalawang suspect na kapwa nakatakip ng panyo sa mukha at lulan sa isang kulay silver na Toyota Innova na walang plaka pero may conduction sticker na 7858.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 3:56 a.m. sa loob ng isang hindi pinangalanang restaurant sa Barangay Poblacion.
Bago ito, katatapos lamang ng programa sa radyo ng biktima nang magutom ito at kumain sa nasabing restaurant. Hindi naman nabanggit sa ulat kung mag-isa lamang si Glefonea o may kasama nang ikasa ang pagdukot dito.
Pero maya-maya lamang, dumating ang dalawang suspect na ang isa ay nakatakip ng panyo sa mukha at kinaladkad si Glefonea sa naghihintay na van at dinala sa hindi malamang dikersyon.
Wala pang clue kung bakit dinukot si Glefonea pero may kopya na ang awtoridad ng CCTV footage para makita ang buong pangyayari at makikilala na rin ang mga suspect.
Ang Pilipinas ang nasa pangatlong posisyon na pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa mga mamamahayag na susunod sa Iraq at Somalia.