NILINAW ng Commission on Elections (Comelec) na walang dapat ipangamba ang publiko na posibleng ma-hack ang mga precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin sa idaraos na midterm elections sa bansa ngayong araw.
Ang paglilinaw ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. ay kasunod nang pag-atake ng mga hackers sa ilang Philippine at Taiwanese websites simula nitong Sabado.
Ayon kay Brillantes, matagal na nilang sinabi na hindi maha-hack ang mga PCOS machines upang ma-access ito at mapalitan ang nilalaman.
Tiniyak rin ni Brillantes na gumawa na sila ng mga precautions laban sa mga hackers tulad nang pag-instala ng mga firmware may dalawang buwan na ang nakalilipas bago ang halalan.
Iginiit ng poll chief na kinakailangan ng mga hackers ng anim na buwan upang mapasok nito ang sistema.
Sakali rin naman aniyang mapasok ng mga hackers ang isa o dalawang makina ay hindi naman ito makakaapekto ng labis sa bilangan.
Binigyang-diin rin ni Brillantes na kinakailangan ng conspiracy o sabwatan ng maraming tao upang tuluyang ma-hack ang mga makina.
Aminado naman si Brillantes na posibleng makaranas pa rin sila ng minor glitches o mumunting aberya sa mga PCOS machines ngunit tiniyak na may contingency plans na silang inihanda para dito.
Inaasahan na rin ni Brillantes na makakatanggap sila ng mga sumbong hinggil sa mga dati nang problema sa halalan tulad ng flying voters at mga vote buying, at tiniyak na kaagad na aaksyunan ang mga ito.