HINIKAYAT ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na bumoto sa gaganaping midterm elections ngayong araw, Lunes, sa buong bansa.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, may mahigit sa 52 milyong botante ang inaasahang dadagsa sa mga polling precincts sa buong bansa upang lumahok sa eleksiyon.
Tiniyak naman ni Brillantes na handang-handa na sila para sa idaraos na halalan at ang mga makina at iba pang election paraphernalia ay naipadala, nasuri at naselyuhan na sa mga presinto.
Nakahanda na rin aniya ang mga generator set na gagamitin sakaling magka-brownout, maging ang mga BGAN o satellite Internet na gagamitin para sa mga lugar na wala o mahina ang koneksyon.
Natukoy na rin ng komisyon ang 234 lugar sa bansa na paglalatagan ng random manual audit, gayundin ang 234 contingency areas na ipapalit sa mga ito sakaling magkaroon ng problema.
Bukod dito, nakahanda na rin ang mga principal at guro na magsisilbing board of election inspectors (BEIs) na sumailalim pa sa last minute workshop para tiyaking klaro ang gagawin ngayong Lunes.
Nagpaalala naman ang mga opisyal ng Comelec ng mga botante, alamin na ang presinto bago ang halalan sa website na www.comelec.gov.ph, bagamat habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ring hindi accessible ang naturang website.
Ani Brillantes, mas mainam aniyang magbitbit ng kodigo at huwag bumoto ng higit sa 12 kandidato para sa senador dahil mababalewala ang boto sa mga ito.
Nilinaw naman ni Brillantes na hindi buong balota ang mare-reject kung mag-overvote sa mga senador, kundi ang boto sa naturang posisyon lamang.
Mas magiging mabilis rin aniya ang pagboto kung may dalang kodigo at posibleng abutin lamang ito ng limang minuto.
Para naman siguradong mabibilang ang boto, i-shade nang buo ang oval at huwag lalampas at dapat din aniyang dahan-dahan ang pagpasok ng balota sa PCOS machine.
Pinapayagan naman ang mobile phones sa loob ng voting area ngunit hindi lamang dapat na gamitin ang mga ito sa pagkuha ng larawan sa kanilang balota.
Nagpaalala rin si Brillantes na epektibo na ang liquor ban simula kahapon at magtatagal hanggang ngayong hatinggabi.