PhilHealth Call Center is Now 24/7
P10M halaga ng luxury cars, nakumpiska ng BoC
TINATAYANG nasa mahigit P10-milyong halaga ng dalawang magarbong sasakyan at ilang mga bahagi ng sasakyan ang kinumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa isinagawa nilang operasyon sa Manila International Container Port (MICP).
Napag-alaman sa BoC na dalawang segunda-manong sasakyan na kinabibilangan ng isang kulay itim at puti na Mercedes Benz at iba’t ibang klase ng mamahaling gulong mula Hongkong ang dumating sa MICP nito lamang Agosto.
Ang nasabing kargamento ay nakadeklara na auto parts lamang na naka-consigne sa Juljerjac Trading na may entry number C-206595-17 ay dumaan sa X-ray machines ng BoC kung saan nakita ang mga iregularidad sa loob nito.
Napag-alaman kay Atty. Vincent Philip Maronilla, MICP district collector, kinumpiska ang naturang kontrabando makaraang lumabag ito sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) in relation to Section 3 of Executive Order 156 o mas kilalang “prohibiting the importation of used motor vehicles.”
Samantala, nakumpiska din ng mga tauhan ng BoC ang apat na 40-footer containers na naglalaman ng kilo-kilong pula at puting sibuyas gayundin ang isang 40-footer na naglalaman ng kilo-kilong karot na may kabuuang halaga na P9-milyon sa MICP.
Ang nasabing kargamento ay naka consigned sa V2Y International Marketing Co. na matatagpuan sa Madrigal Bldg., Escolta, Manila na nagmula sa bansang China at dumaong sa MICP noong Hulyo 7 at 13.
Napag-alaman sa BoC na idineklara ang nasabing kargamento na bawang at mga mansanas ang laman nito ngunit sa isinagawang pagsusuri ay mga pula at puting sibuyas, karot at bawang ang laman nito.
Nahaharap sa paglabag sa probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act and Republic Act No. 10845, o mas kilala na Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, ang may ari ng nasabing kontrabando.
Kaugnay nito, pinuri ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang mga pagsusumikap ng mga tauhan ng BoC na nagresulta sa pagkakakumpiska sa mga nasabing luxury cars gayundin sa mga smuggled na mga agricultural products.
“I commend this successful apprehension and at the same time, I call on all BoC operatives to always safeguard our ports from any and all forms of smuggling. I am counting on you,” ani Lapeña. JAY REYES
Appointment ni DAR Sec. Mariano, tinabla ng CA
TINABLA ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano.
Ito’y matapos maisalang ang 10 oppositors sa kumpirmasyon ni Mariano.
Kilala ang kalihim na nasa panig ng makakaliwang grupo, bago pa man ito naitalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang DAR secretary.
Dati rin siyang kinatawan ng Anak Pawis partylist noong 16th Congress.
Si Mariano na ang ika-apat na na-reject sa cabinet members ng Duterte administration.
Ang iba pang hindi nakalusot sa CA ay sina dating Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo, Environment Sec. Gina Lopez at Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay, Jr. BOBBY TICZON
Nawawalang kasama ni Carl Angelo na si ‘Kulot,’ natagpuang patay
NATAGPUAN ang bangkay ng 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” de Guzman na tadtad ng saksak at nakabalot ng packaging tape ang buong mukha sa Gapan, Nueva Ecija kaninang Miyerkules ng umaga.
Si De Guzman ang nawawalang kasama ni Carl Angelo Arnaiz, na napatay ng mga pulis sa Caloocan City noong Agosto 18. Nagtamo ito ng 30 saksak sa katawan.
Sinabing si De Guzman ang kasama ng 19-anyos na si Arnaiz nang napatay ito ng Caloocan City police matapos umanong manlaban.
Ayon sa pulisya, nangholdap muna ng taxi driver si Arnaiz pero hindi naniniwala ang pamilya nito.
Tumagal nang 10 araw bago natunton sa punerarya ng mga kaanak ang kanyang bangkay. BOBBY TICZON
Pagpatay sa kabataan, itigil na – Bam
NANAWAGAN si Sen. Bam Aquino kay Philippine National Police (PNP) Chief Ronald dela Rosa na maglabas ng malinaw na direktiba sa kapulisan na huwag patayin ang mga hindi armadong suspek at tapusin na ang pagkitil sa buhay ng mga menor-de-edad tuwing may operasyon ang mga pulis.
“A clear, definitive directive from the top na nagsasabing mali pumatay ng suspects na hindi nanlalaban, mahalaga iyon sa kapulisan,” ani Sen. Bam kahapon.
Sa kwento ng mga pulis, pinaputukan sila ni Kian kaya napilitan silang gumanti. Subalit nakita sa CCTV footage ng barangay na kinakaladkad ng dalawang pulis si Kian patungo sa lugar kung saan siya napatay.
Isa pang teenager, si Carl Angelo Arnaiz, ang napatay ng mga pulis-Caloocan matapos umano siyang mangholdap ng isang taxi driver. Ngunit nakita sa forensic examinations na nakaposas at nakaluhod si Arnaiz nang barilin siya ng dalawa hanggang tatlong beses sa dibdib.
Sa pagparusa sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kina Delos Santos at Arnaiz, sinabi ni Sen. Bam na magsisilbi itong babala sa mga pulis na hindi palalampasin ang kanilang ilegal na gawain.
“Kailangan bantayan ang mga kasong ito. The resolution of these two cases should send a clear signal to the rest of the police force that these unlawful acts will not be supported by the Senate or by the police hierarchy,” giit ni Sen. Bam.
“Maraming nakabantay sa mga kasong ito. Nakabantay talaga tayo kung magpapatuloy pa ang mga operations na ganito, kung may mamamatay pa ba. Gusto nating matigil na ang patayan,” dagdag pa ni Sen Bam.
Sa pagdinig, tinanong ni Sen. Bam si Gen. Dela Rosa kung mayroon bang serye ng pagpatay sa PNP kasunod ng pagkasawi nina Delos Santos at Arnaiz.
Ngunit mariin itong itinanggi ni Gen. Dela Rosa, sa pagsasabing nakahuli ang PNP ng 120,000 drug suspects nang buhay.
“The Senate is supportive of the war on drugs and arresting 120,000 criminals involved in drugs is appreciated, but killing of unarmed suspects is still a problem,” ayon kay Sen. Bam, na nagsabing kailangang may malinaw na direktiba mula sa itaas. ERNIE REYES
P200K pabuya vs Kulot killer, inilaan
DAHIL sa kanyang nasasakupang lungsod itinapon ang bangkay, nag-alok si Gapan City Mayor Emerson Pascual ng P200,000 sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang mga sangkot sa pagpatay at pagtapon sa bangkay ng 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, alyas ‘Kulot’.
“Kung sinomang makakapagturo kung ano ang plate number, anong sasakyan, o nakakakilala doon sa tao, kung sino man ang nagtapon kay Kulot, magbibigay ako ng P200,000,” pahayag kaninang Huwebes ng umaga ni Pascual.
Tiniyak naman agad ni Pascual na kung sinoman ang may alam sa pagpatay at pagtapon sa binatilyo ay itatago ang kanyang pagkakakilanlan.
“Ang kailangan ko lang makatulong ako sa bata, na may pagmumulan ‘yung imbestigasyon ng pulis,” pahayag ni Pascual.
Ang bangkay ni De Guzman ay natagpuan nitong nakaraang Martes, Sept. 5, na palutang-lutang sa isang creek sa Brgy. San Roque, sa Gapan City, Nueva Ecija.
Nakabalot ang kanyang ulo ng masking tape na karaniwang ginagawa sa vigilante killings.
Si De Guzman, kasama ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz, na huling nakitang buhay noong Agosto 18 ay umaalis sa kanilang lugar sa Cainta, Rizal, upang mag-midnight snack.
Pero hindi na ito nakauwi at bagkus ay natagpuan sa isang morgue sa Caloocan City 10 araw ang nakalipas matapos mapatay sa isang shootout sa mga pulis matapos mangholdap umano ng isang taxi driver.
Ayon kay Pascual, ang pagkakadiskubre sa bangkay ni De Guzman ay gumimbal sa mga residente ng Gapan City, na isa sa pinakatahimik na lugar sa probinsya.
Naniniwala naman si Pascual na pinatay si De Guzman sa labas ng Gapan at doon lamang ito tinapon upang iligaw ang mga taong naghahanap sa binatilyo. BOBBY TICZON
Mag-ina tusta sa sunog
NATUSTA nang buhay ang isang mag-ina nang sumiklab ang sunog sa residential area sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang mag-inang sina Venus Liqid, 35, at tatlong-taong gulang na anak na babae na si Althea Michelline Mae, ng Varona St., Tondo.
Ayon kay S/Insp. Reden Alumno, hepe ng investigation unit ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog pasado alas-3:00 Miyerkules ng hapon sa ikalawang palapag ng bahay na pagmamay-ari ng isang Herminia Hipolito.
Sa imbestigasyon, lumalabas na natutulog ang mag-ina nang maganap ang sunog kung saan natagpuan sila sa ikalawang palapag.
Mabilis namang kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay kaya inakyat sa ikalawang alarma ang sunog na idineklarang fireout dakong alas-5:41 ng hapon.
Maliit umano ang mga eskinita sa lugar kaya nahirapan ang mga bumbero na pasukin ang mga kabahayang nilalamon ng apoy.
Halos binalot ng maitim na usok ang pitong magkakadikit na barong-barong kaya agad na inakyat sa ikalawang alarma ang sunog.
Hinihinalang iligal na linya ng kuryente naman ang pinagmulan ng sunog. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
Pulis, 2 miyembro ng gun-for-hire, tepok sa barilan
TEPOK ang isang pulis at ang sinasabing leader ng gun-for hire group at kasama nito na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga matapos ang naganap na police encounter sa Caloocan City kaninang madaling-araw, Setyembre 8.
Ayon kay Caloocan police Chief S/Supt. Jemar Modequillo, binawian ng buhay sanhi ng tama ng bala sa ulo habang ginagamot sa Dr. Jose N. Rodriguez Hospital si PO3 Junior Hilario ng Police Community Precinct (PCP).
Dead-on-the-spot naman ang mga suspek na sina alyas “Jayson Killer” at kasama nitong si Mark Ian Herrera sanhi rin ng mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ni S/Supt. Modequillo, dakong 12:09 ng hatinggabi nang magsagawa ng anti-drug operation ang pinagsanib na tropa ng PCP-3 at PCP-5 kontra sa suspek matapos makatanggap sila ng impormasyon na may transaksyon ito sa droga sa 3869 Paraiso St., Sampaguita Subd., Brgy. 175, Camarin.
Nang mapansin ng suspek ang presensya ng pulisya, agad nitong pinaputukan ang mga operatiba at tinamaan sa ulo si PO3 Hilario kaya gumanti ng mga putok ang mga ito na nagresulta ng kamatayan ng suspek.
Narekober sa nasawing suspek ang cal. 45 pistola, tatlong sachet ng shabu, drug paraphernalia at replica ng .9mm Glock habang ang 75 basyo ng bala mula sa shotgun, calibers .9mm, .45, at 5.56 pistols at rifle ang nakuha sa crime scene.
Dakong 4:00 ng madaling-araw, nakatanggap ng tip ang mga operatiba ng PCP-3 na nakita si Herrera sa Diamond St., Brgy. 175 subalit nang puntuhan ng mga ito ay nakipagbarilan ang suspek kaya napatay ito ng mga pulis at narekober sa kanya ang cal.38 revolver at apat na sachets ng shabu. RENE MANAHAN
Habang ka-video-call ang kaibigan, ex-OFW nagbigti
PATAY ang isang 30-anyos na dating overseas Filipino worker (OFW) matapos magbigti habang live na nakikipag-video call sa kanyang kaibigan sa Valenzuela City, Huwebes ng umaga.
Si Delfin Dennis Carreon, 30, ng 456 Service Rd., Parada, Valenzuela City ay huling nakitang buhay habang ka-video call sa facebook ang kanyang kaibigan na si Eddle Chris Ibe dakong 3:30 madaling-araw, anim na oras matapos makipag-inuman sa kanyang iba pang mga kaibigan sa Trinidad St., Brgy. Maysan.
Sa pahayag ni Ibe kina Valenzuela police homicide investigators SPO2 Ray Bragado at PO3 Roberto Medrano, dakong 9:00 ng umaga nang dumating si Carreon sa kanilang bahay galing sa inuman.
Nakatanggap ng mensahe si Ibe mula kay Carreon sa pamamagitan ng facebook na “SALAMAT NG MADAMI.” Na sinagot naman ni Ibe at tinanong si Carreon kung nasa bahay na ito.
Sumagot naman si Carreon ng larawan niya na may nakatali sa kanyang leeg habang ang dulo nito ay nakatali naman sa bakal na kisame.
Naalarma si Ibe at sinubukang aliwin si Carreon subalit, sumagot lang ito ng “MAG LIVE AQ WAIT,” kaya muli itong kinumbinsi ni Ibe ngunit hindi na sumagot si Carreon.
Agad nagtungo si Ibe sa bahay ng biktima saka sinabi ang insidente sa kanyang kapatid na babae na si Mariedelle Lim hanggang sa matagpuan nila si Carreon na nakabigti sa kuwarto nito.
Mabilis na isinugod ang biktima sa Valenzuela Medical Center subalit hindi na rin ito umabot nang buhay. RENE MANAHAN
2 holdaper na Bumbay, tiklo
DALAWANG umano’y miyembro ng “Waray-Waray Group” na sangkot sa serye ng mga panghoholdap sa mga Indian national ang nasakote ng mga pulis sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Valenzuela City.
Ayon kay Caloocan police chief S/Supt. Jemar Modequillo, unang nagtungo sa Police Community Precinct (PCP) upang humingi ng tulong si Lalaine Camposano 38 ng Pangako St., Brgy. 141, Bagong Barrio matapos siyang bugbugin at pagbantaang papatayin ng kanyang live-in partner na si Angelito Valida, 42.
Agad nagtungo sa bahay ni Caposano sina PO1 Greggy Albay at PO1 Kenneth Cayabyab ng PCP-1 dakong 5:00 ng hapon saka inaresto si Valida at nakuha sa kanya ang cal. 45 pistola na may magazine at kargado ng pitong bala.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, dalawang Indian national na biktima ng panghoholdap ang positibong kumilala kay Valida na leader ng robbery holdup group na nang holdap sa kanila at tumutok ng baril.
Sinabi pa ni Caposano sa pulisya na ang kanyang ka-live-in ay miyembro ng Waray-Waray group na nambibiktima sa mga Indian nationals sa Caloocan at Valenzuela cities.
Inatasan naman ni PCP-1 head C/Insp. Avelino Protacio II si S/Insp. Jonathan Olvena na magsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Renato Lacandula, alyas “Dodong” sa harap ng isang kilalang food chain sa McArthur Highway, BBB Valenzuela City dakong 8:30 ng gabi. RENE MANAHAN
Barilan sa basketball game, 2 MILF dedo, 3 pa sugatan
DAHIL may malaking pustahan, humantong sa madugong barilan ang ordinaryong paglalaro ng basketball ng dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) rebels na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng tatlo pa sa North Cotabato kaninang Biyernes ng umaga.
Sinabi ni C/Insp. Romy Castañares, hepe ng Pikit town, nakilala ang mga namatay na sina Ismael Muhamadali, 34, at Mamaila Udlayan, 32, kapwa ng Brgy. Gokotan habang nakilala naman ang nasugatan na biktima na si Ali Jamel. Ang tatlo ay pawang miyembro ng MILF group na nasa ilalim ni Commander Karim Dubua alyas “Midnight.”
Sugatan din at isinugod sa ospital ang mga suspek na nakilalang sina Macabuat Tambungalan at Manguda Tambungalan, na kapwa miyembro rin ng MILF na nasa ilalim naman ni Commander Masibpa.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 8:45 a.m. sa isang basketball court sa may Brgy. Gokotan.
Bago ito, naglalaro ang mga suspek at mga biktima ng basketball sa lugar na may kaukulang pusta.
Sa gitna ng laro, naging pisakal ang laban kaya isa sa mga manlalaro ang napikon at kinuha ang kanyang Armalite assault rifle saka namaril na ikinamatay agad nina Muhamadali at Udlayan.
Gumanti naman ng putok ang mga kamag-anak ng dalawa na humantong na sa mainit na barilan.
“There was a misunderstanding that turned into a heated argument until they took their guns and started shooting at one another,” pahayag ng isang testigo sa mga police investigators.
Sinabi ni Castañares na gumitna ang mga MILF elders para awatin ang kaguluhan. BOBBY TICZON
Namatay sa sunod sa Binondo Terrace, kilala na
KINILALA na ang namatay sa sunog na naganap sa isang 12-storey commercial residential building sa Binondo, Maynila.
Nakilala ang biktimang si Pacita Saw, 78, nakatira sa room 204 Binondo Terrace condominium sa 842 Alvarado St., ng nasabing lugar.
Sa naunang ulat, nagsimula ang sunog sa ika-walong palapag kung saan maraming Filipino-Chinese ang naninirahan sa nasabing gusali pasado alas-11:00 ng umaga.
Ayon sa building administrator na si Noel Gintalan, nasa 5,000 ang nakatira sa gusali at marami ang na-trap, gayunman isa-isa ring nailabas ng mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Sinasabi namang naiwang niluluto ang sanhi ng sunog sa nasabing gusali. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
Pusher patay sa buy-bust ops
PATAY ang isang 28-anyos na lalaki na hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang manlaban sa buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Sta. Cruz, Manila kagabi.
Kinilala ni MPD Dir. P/C Supt. Joel Napoleon Coronel ang napatay na suspek na si Gerlito Daculapas, alyas ‘Negro,’ binata, walang hanapbuhay, ng 1697 LRC Compound, Claro M. Recto Ave., Sta. Cruz.
Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan, ng MPD- homicide section, dakong 8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa bahay ng suspek nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team ng MPD-Station 3, matapos na matukoy ang iligal na aktibidad ni alyas ‘Negro’ sa loob ng LRC Compound.
Isang pulis ang naging poseur buyer ngunit habang nag-aabutan ng kontrabando at marked money ay nabangga umano si ‘Negro’ sa baywang ng kanyang kustomer at nakapa ang baril nito.
Dito na umano nakahalata ang suspek na pulis ang katransaksyon at sinabing “Pu….ina mo, pulis ka!” sabay bunot ng baril at pinaputukan ang poseur buyer.
Nakaiwas naman ang pulis na hindi na nag-aksaya ng panahon at kaagad na gumanti ng putok na nagresulta sa pagkamatay nito.
Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver at dalawang plastic sachet ng shabu. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
2-araw na transport strike ikakasa
IKAKASA ng grupo ng transport group na Stop and Go Coalition ang dalawang araw na tigil-pasada sa buong bansa.
Ayon kay Jun Magno, national president ng Stop and Go Coalition, ang dalawang araw na transport strike ay nakatakdang ilunsad sa Setyembre 25 at 26, 2017 (Lunes at Martes).
Sa isang interbyu, sinabi kanina, Setyembre 8, ni Magno na napagkasunduan ng lahat ng mga cities, towns at mga regional president ng kanilang grupo na walang urungan ang kanilang isasagawang tigil-pasada sa buong bansa.
Nabatid pa sa naturang grupo na bago ang kanilang dalawang araw na “Tigil Pasada” magsasagawa muna sila ng kilos-protesta sa Central Office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para magsagawa ng indignation rally upang ipakita sa pamunuan ng LTFRB at sa Department of Transportation (DOTr) Usec. Tim Orbos ang kanilang pagkadismaya.
Ayon pa kay Magno, bukod sa dalawang araw na tigil pasada, ang Stop and Go ay magsasampa rin ng kaso laban sa LTFRB chairman Martin Delgra at Board Members Atty. Aileen Lizada at Engineer Ronaldo Corpus sa Office of the Ombudsman.
“Talagang dismayado kami sa kanila (Delgra, Lizada, Corpus at Orbos), ayon kay Magno.
Tiniyak din ni Magno na kinumpirma ng ibang mga transport group gaya ng truckers, taxi at UV express na lalahok sila sa dalawang araw na tigil-pasada. SANTI CELARIO
Pinagtaksilan, tricycle driver nagbigti
ISANG tricycle driver ang nagbigti matapos umanong matuklasang may karelasyong iba ang kanyang kinakasama sa loob ng isang barung-barong sa Port Area, Maynila.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director P/C Supt. Joel Napoleon Coronel ang biktimang si Robert Clasara, 24, tricycle driver, ng Brgy. 356, District 3, Sta. Cruz, Maynila.
Sa report ni PO2 Aldeen Legaspi, imbestigador ng MPD-homicide section, nabatid na dakong 5:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng isang barung-barong sa Blk. 9 Extn., Baseco Compound, Port Area.
Nauna rito, natuklasan umano ng biktima na ang kanyang live-in partner na si Analyn Cabilyo, ay may relasyon sa ibang lalaki na kilala sa pangalang ‘Buboy.’
Nabatid na bago nagpakamatay ang biktima ay balisa ito kaya nagpasya si Cabilyo na umalis na lamang ng bahay at nagtungo sa bahay ni Buboy.
Dakong 4:30 ng hapon ay inihatid pa umano ni Buboy si Cabilyo pauwi ngunit laking pagkagulat nito nang madiskubreng patay na ang biktima at nakabigti sa kisame gamit ang isang kadena.
Si Buboy mismo ang nagbaba kay Clasara sa pagkakabigti at kaagad nilang ini-report ang insidente sa barangay, na siya namang nagsumbong nito sa Baseco Police Community Precinct (PCP).
Ayon sa pulisya, posible namang walang foul play ang insidente dahil batay sa salaysay ng testigong si Michelle Viana, na dakong 4:00 ng hapon ay nakita niya ang biktima na may kausap na isang ‘di kilalang babae at nagsasabi umano ito na nais na niyang magpakamatay.
Gayunman, patuloy pa rin umano nilang iniimbestigahan ang pangyayari. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN
SSS honors 2017 Balikat ng Bayan awardees
Ukay-ukay nasunog, 3 empleyado na-ospital
ISINUGOD sa pagamutan ang tatlong empleyado ng isang ukay-ukay store matapos lamunin ng apoy ang kanilang pinapasukang tindahan sa Quezon City, kaninang alas-4:30 ng Linggo ng madaling-araw.
Sa kabutihang-palad, nailigtas naman ang tatlong empleyado na nakilalang sina Jonard Auditor, Arnel Tomas Atiyeng at Angelito Torazzo na pawang stay-in employee ng 3J Riza’s surplus na nasa ikalawang palapag ng Tops Building sa kanto ng Commonwealth Ave., Tandang Sora. Ang tatlo ay nilapatan ng lunas sanhi ng supokasyon o paglanghap ng usok.
Bago ito, natutulog ang mga biktima at apat na iba pa sa ikalawang palapag ng naturang tindahan nang magising ang isa sa kanila na si Maribel Cuaresma bandang 3:30 a.m. dahil nagliliyab ang nasabing gusali.
Agad namang nakatalon sa bintana ng gusali ang apat pero dahil sa kapal ng usok ay hindi na nila nagising ang tatlong sina Auditor Atiyeng at Torazzo.
Pero nailigtas din ang tatlo matapos maapula ang sunog ng alas-4:30 a.m.
Iniimbestigahan na ngayon ng Bureau of Fire (BFP) ang sanhi ng sunog na posibleng isang faulty electrical wiring.
Inaalam na rin ang halaga ng natupok na ari-arian sa pitong tindahan na nasa loob ng gusali. BOBBY TICZON
Aso nag-ingay, amo kinatay
DAHIL sa maingay na alagang aso, isang ginang ang namataang pinagtulungang saksakin sa Quezon City kagabi, Setyembre 10.
Ayon sa Quezon City Police District–Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang biktimang si Jovy Evelyn Candelaria, 47, store owner, ng No.31 Upper Lanzones St., Brgy. Payatas Area B, QC.
Dalawa lamang sa apat na suspek ang nakilala sa alyas na “Marcelo” at alyas “Rey”, kapitbahay ng biktima, habang patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa dalawa pang suspek.
Sa imbestigasyon, dakong 7:30 ng gabi nang pasukin ng apat ang biktima sa kanyang tindahan na nasa harap ng bahay nito sa Brgy. Payatas.
Bago ang krimen, ayon sa witness na si Nieves Rosario, nasa loob siya ng bahay nang marinig niya ang biktima na nagsisigaw ng saklolo.
Paglabas ni Rosario, nakita niya sina Rey at Marcelo kasama ang dalawa pang lalaki na armado ng itak at patalim at pilit na pinapasok ang tindahan ni Candelaria.
Sinubukan pa ng testigo na awatin ang mga suspek subalit nang malaman na lasing ang mga suspek ay agad nitong ipinaalam sa kanilang barangay ang insidente.
Agad na rumesponde ang mga opisyal ng barangay subalit huli na nang tumambad sa kanila ang wala nang buhay na biktima na tadtad ng saksak.
Hinala ng pulisya, ang maingay na aso na alaga ng biktima ang dahilan para patayin ito ng mga suspek. SANTI CELARIO
Nagti-tip sa pulis, adik kinatay ng katropa
NASAWI ang isang drug suspect na inakusahang nagbibigay ng impormasyon sa pulisya hinggil sa kanilang iligal na aktibidad matapos pagsasaksakin ng kanyang mga katropa sa Caloocan City kagabi, Linggo.
Ayon kay Caloocan police chief S/Supt. Jemar Modequillo, dead-on-the-spot sanhi ng mga saksak sa katawan si Francis Mirasol alyas “Kiko”, 30, ng Brgy. 176, Bagong Silang.
Pinaghahanap na ng mga pulis ang suspek na nakilala lang sa pangalang Errol Padua at sa hindi kilalang kasama nito na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa imbestigasyon, dakong 11:30 ng gabi, naglalakad si Mirasol pauwi nang walang sabi-sabing inundayan ng mga saksak ni Padua at isa pang kasama nito.
Paniwala naman ng pulisya, posibleng nagalit ang mga kasamahan ng biktima matapos itong akusahan na nagbibigay ng tip sa mga awtoridad hinggil sa kanilang iligal na aktibidad.
Sinabi naman sa pulisya ni Purok Leader Flaviano Mediona, Jr. ng Brgy. 176, Bagong Silang, si Mirasol ay sangkot sa kalakaran ng iligal na droga at kabilang din ito sa barangay at police drug watchlist. RENE MANAHAN
Bangkay sa N. Ecija, creek hindi kay Kulot
BASE sa resulta ng DNA test, hindi sa 14-anyos na si Reynaldo de Guzman, alyas “Kulot” ang bangkay na natagpuan noong nakaraang linggo sa Gapan, Nueva Ecija.
Sinabi ni Deputy Dir. Gen. Fernando Mendez na ang buccal swabs na mula sa mga magulang ni Guzman, na huling nakitang buhay kasama ang napatay na si Carl Angelo Arnaiz, ay hindi nagtugma sa DNA na mula sa bangkay na natagpuan sa isang creek sa Nueva Ecija.
“We got buccal swabbing, samples from the mouth of the parents,” pahayag kaninang Lunes ng umaga ni Mendez sa isang press conference sa Camp Crame.
Ang bangkay na may 30 saksak sa katawan at ang ulo ay nakabalot ng packaging tape ay natagpuan noong nakaraang Martes, ilang araw matapos iniulat na nawawala si De Guzman at si Arnaiz.
Si Arnaiz, 19, na sa pahayag ng pulisya ay napatay sa isang shootout sa Caloocan City noong Agosto 18 ng madaling-araw matapos umanong mangholdap ng isang taxi driver.
Natagpuan ng kanyang mga magulang ang kanyang bangkay sa isang morgue sa Caloocan City noong Agosto 28. BOBBY TICZON