MAKANGINGITI na nang maayos ang mga batang may “bingot” o cleft clip at cleft palate dahil nakatakda silang ipagamot ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Ayon kay Estrada, sa tulong ng isang non-government organization, maooperahan na ang mga bata na may biyak sa labi.
Nitong Pebrero 24, pumirma si Estrada ng memorandum of agreement kasama ang Operation Smile Philippines (OSP) para sa gagawing “Gift of Smiles” program ngayong taon na naglalayong tulungan ang mga may bingot o harelip sa lungsod.
“Binibigyan natin ng atensyon ang ating mga kabataang may ganitong kapansanan. Nais nating magkaroon sila ng tiwala sa sarili upang gayo’y lumaki silang mga responsable at produktibong mamamayan,” ani Estrada.
Sa ilalim ng kasunduan, ang OSP, sa pakikipagtulungan ng mga volunteer doctors at iba pang medical professionals, ay magsasagawa ng libreng screening, surgery, at post-surgery care sa mga pasyenteng ire-refer ng Manila Health Department (MHD).
Ang OSP ay local affiliate ng Operation Smile International (OSI), isang volunteer-based medical charity na nagsasagawa ng libreng operasyon sa mga may bingot at iba pang facial deformities sa iba’t ibang bansa mula noong 1982. Nakabase ito sa Virginia, US.
Isasagawa ng OSP ang reconstructive surgeries sa Manila Cleft Care Center (MCCC) sa Sta. Ana Hospital na pinapatakbo ng pamahalaang lungsod.
Ang MCCC ay isang treatment and surgery center para sa mga batang may cleft lip at cleft palate.
Ayon kay MHD chief Dr. Benjamin Yson, nakapag-refer na sila ng mga batang Manilenyo na may cleft lip at palate sa MCCC.
“Our participation, since we are community-based, is to really look for patients with harelip, so ‘yun pa ang pinapahanap ng Operation Smile,” ani Yson.
Isang seryosong kondisyon aniya ang kapansanang ito, lalo na sa mga bata, dahil nakakaapekto ito sa brain and speech development, bukod pa sa mga kumplikasyon tulad ng aspiration pneumonia, bronchitis at problema sa pandinig.
“If you don’t hear well, if you don’t speak well and your confidence is in a very low level, then somehow it affects brain and personality development,” pagdidiin ni Yson.
“All these treatment and surgeries are free. In our hospital, libre po ang doktor, ang gamot, lahat,” ayon pa sa hepe ng MHD. “It’s a holistic program, meaning from looking from them in the communities to bringing them to the hospitals up to complete rehabilitation.”
Ayon sa Department of Health (DOH), isa sa bawat 500 sanggol ang sinisilang na cleft-defective; umaabot naman sa 5,000 bagong kaso nito ang naitatala kada taon. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN