HINDI pinaboran ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga ang hirit ng isang election watchdog na magsagawa ng parallel manual counting sa darating halalan.
Ipinaliwanag ni Barzaga, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na hindi pinapayagan sa kasalukuyang sistema ang mano-manong bilangan sa araw ng eleksyon.
Aniya, kung magkakaroon ng mano-manong pagbilang ay lalabagin nito ang batas dahil ang nakasaad ay automated election system.
Ngunit maaari pa rin aniyang magkaroon ng mano-manong bilangan pagkatapos na ng halalan.
Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang random manual audit o RMA na ginagawa pagkatapos na ng bilangan.
Sa ilalim ng Republic Act 9369, ang RMA ay dapat gawin sa isang polling precinct bawat congressional district na random na pipiliin ng Commission on Elections.
Samantala, hindi makumpirma ni Barzaga kung meron o walang source code ang precinct count optical scan o PCOS machines na gagamitin sa eleksyon.
Aniya, tanging si Comelec Chairman Sixto Brillantes ang makapagsasabi kung meron o walang source code.
Pero kinumpirma ng kongresista na hindi nagkaroon ng review sa source code dahil sa problema ng automated elections technology suppliers na Smartmatic at Dominion voting systems Inc.