INIAPELA na sa Supreme Court ang naging desisyon ng Comelec na payagan si dating pangulong Joseph Estrada na tumakbo bilang alkalde ng Maynila.
Sa inihaing petition for review ni Atty. Alicia Risos-Vidal, abogado ni Manila Mayor Alfredo Lim, iginiit nito na umabuso ang Comelec sa kanilang kapangyarihan matapos namang ibasura ang kanilang inihaing diskuwalipikasyon laban sa dating pangulo.
Kaugnay nito, hiniling ni Atty. Vidal na pigilan ng SC sa pamamagitan ng pagpapalabas ng TRO ang kautusan na nagpapawalang bisa sa kanilang inihaing kaso laban kay Estrada Iginiit ni Atty. Vidal na ang conviction ng dating pangulo sa kasong plunder at ang parusang ipinataw na life imprisonment ay sapat na anya upang hindi ito mapayagang tumakbo sa pampublikong tanggapan
Paliwanag pa ni Vidal na ang ipinagkaloob na executive pardon ni dating pangulong Gloria Arroyo ay hindi anya nagbabalik sa dating Pangulong Erap sa kanyang civil right upang muling makapanungkulan ng anumang public office.