MASWERTENG nabuhay ang 39-anyos na matansero makaraang pagtatagain ng dati niyang kaibigan matapos sundan ng nauna at hamunin ng away kahapon sa Pasay City.
Inoobserbahan pa sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Ramil Penasbo, 39, ng 833 B. Mayor St.,matapos magtamo ng mga tama ng taga sa ulo, leeg at braso.
Nadakip naman sa follow-up operation nina Senior Insp. Rommel Resureccion ng Police Community Precint (PCP) 7 ang suspek na si Aldwin Badajos, 36, pedicab driver, malapit sa tinitirhan niyang bahay sa 829 Mayor St., sa naturang lungsod.
Ayon kay Pasay city police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca, nagbabantay sa isang laruan ng pool sa kanilang lugar sa Mayor St. si Badajos nang dumating ang biktima dakong alas-4 ng hapon at nag-ingay na labis na ikinairita ng mga naglalaro.
Sinabihan ni Badajos ang biktima na huwag mag-ingay dahil naiirita ang mga naglalaro subalit siya ang binalingan at sinapak sa mukha.
Nang umuwi na si Badajos, sinundan umano siya ni Penasbo at hinamon ng away kaya’t kumuha na ng itak ang suspek at pinagtataga ang biktima.