KAILANGANG pigain ng Commission on Elections (Comelec) upang makuha ang source code sa PCOS machines na gagamitin sa eleksyon dahil dito makikita ang detalyadong bilang ng mga boto ng mga kandidato.
Nababahala si UNA senatorial candidate at Zambales Rep. Mitos Magsaysay sa tila pagtanggap ng Comelec na hindi na makukuha ang source code mula sa Smartmatic.
Ayon kay UNA senatorial, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, nakababahalang basta na lamang pumayag ang Comelec na patunay ng walang kahandaan.
Mistula rin aniyang ala-tsamba ang mangyayari sa resulta sa May 13 election dahil hindi naman makikita kung paano ang bilang na ginawa ng PCOS machine sa mga balota.
Ngunit pinawi naman nina Agham Partylist Rep. Angelo Palmones at Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe, ang pangamba ng marami sa pagkawala ng source code ng gagamiting mga PCOS machines.
Paliwanag ni Palmones na mas maliit ang tsansang magkaroon ng dayaan gamit ang PCOS machines kumpara sa manual counting na mahabang proseso at napakabagal na resulta.
Tiwala naman si Batocabe na hindi magpapabaya si Comelec Chairman Sixto Brillantes at siguradong sisikapin nitong magkaroon ng malinis na halalan.