MALAKI ang naitulong ng programang “Alay Kapatiran” na ipinatutupad ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri na layuning matulungan ang mga opisyales ng barangay na namamatay sa sakit at aksidente.
Base sa record na nakalap sa tanggapan ni Echiverri, umabot na sa 60 opisyales ng barangay sa Caloocan City ang natulungan ng Alay Kapatiran na sinimulan noong 2007 hanggang sa kasalukuyan kung saan ay nakatanggap ang pamilya ng mga namatay na barangay officials ng halagang P50,000 bawat isa.
Ayon kay RJ, malaking tulong ang naibigay ng Alay Kapatiran sa pamilya ng mga nasawing opisyales ng barangay dahil sa pamamagitan nito ay maaaring makapagsimula ng panibagong buhay ang mga naulila ng yumao nilang kaanak.
Sa kasalukuyan, ginagaya na rin sa buong bansa ang programang ito na sinimulan ni RJ dahil sa tulong na maipagkakaloob nito sa pamilyang maiiwan ng mga namatay na opisyales ng barangay sa Pilipinas.
Bukod sa programang ito, patuloy din ang pagbibigay ng medical assistance ni Echiverri sa mga opisyales ng barangay na nararatay sa karamdaman kung saan ay nabibigyan ang mga ito ng P6,000 sa kapitan ng barangay habang P4,000 naman sa mga kagawad, secretary at treasurer.
Simula noong 2009 hanggang 2013 ay umabot na sa 41 opisyales ng barangay ang natulungan ng medical assistance kaya’t hindi na nahirapan ang pamilya ng mga ito na humanap ng ipambabayad sa ospital at ipambibili ng gamot.
Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na isinusulong ni RJ ang implementasyon ng Section 393 ng Local Government Code na layuning mabigyan ng benepisyo ang lahat ng barangay officials kabilang na dito ang libreng matrikula sa kanilang mga anak na nag-aaral sa mga state colleges at universities sa buong bansa.
Nakasaad din sa Section 393 ng Local Government Code ang iba’t-ibang benepisyo na dapat makuha ng isang barangay officials kaya’t patuloy na isinusulong ni RJ ang implementasyon nito para na rin sa kapakanan ng mga opisyales ng barangay.