KARUMAL-DUMAL ang sinapit ng isang magkapatid sa kamay ng grupo ng kalalakihang lulong sa pinagbabawal na gamot nang paggugulpihin at patayin sa sakal ang pitong taong-gulang na batang lalaki habang minolestiya naman ang 10-taong gulang nitong babaing kapatid matapos silang dukutin kagabi sa Makati city.
Nakapagsumbong sa himpilan ng pulisya ang biktima na itinago sa pangalang “Christina” makaraang makatakas sa mga kamay ng mga suspek habang nadiskubre naman ang bangkay ng kanyang kapatid na si Daniel Lebosura sa gilid ng riles ng tren sa Magallanes Don Bosco sa Makati City kaninang umaga.
Naaresto sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ni Pasay City police chief Senior Supt. Rodolfo Llorca ang pito sa mga suspek na kabilang sa mga dumukot sa dalawang biktima at dinala sa isang barracks sa Magallanes kung saan sila pilit pinakain ng panis na pagkain.
Naaresto ang mga suspek matapos humingi ng tulong kay Llorca si Helen Lebosura, 36, ng 143 Gamban St. Pasay kaugnay sa nangyaring pagdukot sa kanyang dalawang anak na nangyari pasado alas-10 ng gabi sa Evangelista St., Makati.
Ayon kay Lebosura, kasama niya ang dalawa niyang anak nang iwanan niya pansamantala sa Evangelista para naman sunduin ang panganay niyang anak na nagpunta sa mga kaibigan sa Malibay, Pasay.
Nang bumalik sa lugar na pinag-iwanan ng kanyang mga anak si Lebosura, wala na ang dalawang bata na puwersahang isinama ng grupo ng kalalakihan.
Sa salaysay naman ng batang biktima sa pulisya, binugbog silang magkapatid ng kalalakihang dumukot sa kanila matapos na tanggihan nila ang ipinakakain sa kanilang panis na pagkain.
Isa sa mga suspek ang nagmolestiya pa sa batang babae sa pamamagitan ng pagpasok ng daliri sa maselang parte ng kanyang katawan habang pinatay naman sa sakal ang kapatid niyang lalaki.
Tumanggi naman si Llorca na ibigay ang pangalan ng mga suspek at sinabing nagsasagawa pa ng follow-up operation ang kanyang mga tauhan.